Isa iyon sa pinakadilim na araw na nasaksihan niya sa tanang buhay niya. Itim na itim at kumpol-kumpol ang mga ulap at nagngangalit ang ulan. Paminsan-minsan ay may gumuguhit na kidlat sa kalangitan na naghahatid ng panandaliang liwanag at nag-uudyok sa kaniya upang mapahugot nang malalim na hininga. “Ahhh,” ang sambit niya. Dati-rati ay kinatatakutan niya ang kidlat, ngunit sa pagkakataong iyon, tila nakasumpong siya nang ginhawa at kalinga doon.
Isinandal niya ang ulo sa salaming bintana ng bus na sinasakyan. Mula doon ay tila isang malabong guhit lamang ang lahat ng kanilang dinaraanan. Ilang sandaling nakatitig lamang siya doon na tila ba nananaginip ngunit nang hindi nakatiis ay ikiniskis niya ang kanang kamay sa malamig at mamasa-masang salamin. Bahagyang napawi ang hamog na bumabalot mula doon.
Sa pagkakataong iyon ay biglang nagkaroon ng kung anong karambola sa may daan. Bigla ang pagpreno ng bus at sa lakas ay napasubsob siya sa may upuan sa kaniyang tapat. “Shit,” mariin ngunit mahinang mura niya. Hinihimas-himas ang noo na nag-angat siya ng ulo, at mula sa nilikha niyang maliit na bilog mula sa salaming balot ng hamog, natanaw niya ang isang waiting shed.
Nasa tapat sila ng isang waiting shed. Kataka-takang sa dilim ng panahon ay madali iyong mapapansin na para bang may nakatayong lamp post sa tabi niyon – ngunit wala. Sa pagkakaalam niya ay pansamantalang pinutol ang serbisyo ng kuryente sa buong lugar dahil sa hindi inaasahang malakas na bugso ng ulan.
Nakaramdam siya nang pangangati sa kaniyang mga mata. Naiiritang kinusot-kusot niya ang mga iyon gamit ang pareho niyang mga kamay. Nang muli siyang dumilat at tumingin sa may waiting shed ay nagulat siya nang makitang mayroon ng isang babaeng nakaupo doon. “What the-?” nawiwirduhang naisaloob niya. Kinusot-kusot niya uli ang mga mata sa pag-aakalang namamalikmata lamang siya ngunit sa muling pagtitig niya sa may waiting shed ay nanatiling nakaupo doon ang naturang babae.
Napapalunok na pinagmasdan niya ang imahe ng naturang babae mula sa salaming bintana ng bus. Nakasuot ito ng puting bestida, nakaupo sa gitna, nakayuko at natatakpan ng mahabang buhok ang mukha. Sa kanang kamay nito ay may hawak itong isang kulay pulang payong na mistulang ginagamit nito bilang tungkod.
Hindi niya alam kung anong nangyari sa kaniya ngunit biglang hindi na niya magawang ialis ang tingin sa naturang babae. Imposible man pakinggan, ngunit habang tumatagal, tila palapit siya nang palapit sa kinaroroonan nito. Huminga siya nang malalim. Hinga. Hinga. Hinga. Hanggang sa pakiramdam niya ay tanging ang bintanang salamin nalang ang namamagitan sa kanila nito.
“Shit,” mura niya uli ngunit sa pagkakataong iyon ay malakas na iyong rumehistro sa kaniyang pandinig. Nagpalinga-linga siya sa kaniyang paligid. Sa mga pasahero. Sa konduktor ng bus na nakatayo dalawang upuan lamang ang layo mula sa kaniya. Bakit walang kumikilos sa kanila? Wala bang naririnig ang mga ito? Hindi ba siya naririnig ng mga ito? Lumakas ang kabog ng kaniyang dibdib.
Kabado man, lakas-loob siyang muling sumulyap sa may salaming bintana. Naroon pa rin ang babae ngunit hindi na ito nakayuko. Kalahati ng mukha nito ay nagagawa na niyang maaninag habang ang kalahati ay nananatiling natatakpan nang mahaba nitong buhok. Nakatingin ito sa kaniya at hindi niya rin napigilan ang sarili na hindi ito pagmasdan.
“A-ang ganda niya,” aniya ngunit hindi siya sigurado kung sa isip lamang o literal iyong lumabas sa kaniyang bibig. “A-ang ganda-ganda niya,”
Ngumiti sa kaniya ang babae na mistulang nabasa ang kaniyang iniisip. Napangiti rin siya. Ewan. Hindi niya alam. Hindi niya maipaliwanag. Pakiramdam niya ay isa siyang manyikang de pisi na bigla na lamang napapasunod kahit sa mga maliliit nitong galaw.
Kumislot ang bibig ng babae. Parang may nais ipahiwatig. Parang may nais sabihin ngunit hindi niya naman marinig.
“H-ha? A-ano? A-no `yon?” sambit niya sabay katok sa may bintanang salamin. “M-may gusto ka bang sabihin?”
Muling kumibot ang bibig ng naturang babae. Isang malamyos na tinig ang bumalot sa kaniyang pandinig ngunit sandali lamang. Sandali lamang dahil ang sunod ay isang nakabibinging ugong. Mga mararahas na buntong-hininga. At isang makapal at malamig na tinig ng isang lalaki.
“O, Vergara na ho, o! Vergara!” malakas na bulalas ng konduktor at niyugyog siya sa balikat. “Ser, Vergara na.”
Napaungol si Charles. Napadilat. Malabo. Malabo hanggang sa unti-unting luminaw. Napabalikwas siya mula sa pagkakadukdok sa may upuan sa tapat niya at tumambad sa kaniya ang nakakunot-noong konduktor.
“Okay ka lang, ser?” napapakamot ng ulong tanong nito sa kaniya. “Mukhang napasarap yata ang tulog natin, ah?”
Hindi na niya nagawa pang sagutin ang tanong nito. Hingal na hingal na luminga siya sa may bintana. Walang waiting shed. Wala na ring ulan. Maliwanag na uli ang kalangitan.
II
“They say there is darkness within us. Hanggang sa maimbento ni Edison ang electric light, halos ang kabuuan ng mundo ay nababalot ng kadiliman. Sinasabing ang pisikal na kadiliman at ang kadiliman sa kaibuturan ng ating mga kaluluwa ay minsang nagsama.”
Isang nakabibinging katahimikan ang bumalot sa buong klase. Walang nagsasalita. Lahat ay nakatuon ang tingin sa propesor sa harap na nang mga sandaling iyon ay tila iisang estudiyante lamang ang nakikita – si Charles. Nag-angat ng tingin si Charles mula sa kaniyang notebook na puno ng sari-saring doodles at nagsalubong ang tingin nila nito.
“O-okay,” tumikhim ang propesor at dali-dali nang inalis ang tingin mula kay Charles. “Para sa susunod nating klase, pakibasa ang ikatlong chapter ng inyong aklat. Pahina 44.”
Pagkasabi niyon ay dali-dali na nitong nilikom ang mga gamit. Ni hindi na nito nagawa pang magpaalam at agad nang lumabas ng kanilang room. Salubong naman ang mga kilay na sinundan ito ng tingin ni Charles.
“Yow!” biglang sikmat ni Josef. Napasinghap siya. Naupo ito sa kaniyang harap at sinipat ang kaniyang notebook. “Ano `yan?”
“H-ha?” distracted pa rin na tugon niya rito.
“`Yang mga drowing mo,” untag nito na inginuso pa ang notebook sa harapan niya. “Ano `yang mga `yan?”
Noon lamang nagawang pagtuunan ng pansin ni Charles ang notebook sa harap. Pinagmasdan niya iyon at muling napasinghap sa nakita. Drowing iyon ng isang waiting shed. Isang babae. Isang payong. Madilim. Madilim lahat.
“Okay ka lang ba p’re?” tanong sa kaniya nito nang hindi niya kaagad nagawang tumugon. “Bakit parang nangangalumata ka?”
Napalunok siya. Hindi siya nakatulog kagabi. Magdamag na bumabalik-balik sa kaniyang isip ang imahe ng waiting shed at ng naturang babae. Hindi niya alam kung totoong panaginip lamang ang lahat.
‘P’re, s-sandali lang, ha,” sabi niya kay Josef. “Babalik ako.”
Walang lingon-likod na dali-dali na siyang kumaripas palabas ng room. Nagpalinga-linga siya. Natanaw niya pa si Mr. Leviscus sa dulo ng hallway.
“Mr. Leviscus!” habol niya. “Mr. Leviscus, sandali lang!”
Huminto si Mr. Leviscus. Sumulyap sa kaniya. Pawis na pawis ito at mukhang tensyonado.
“I-isa iyong portal,” hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at matamang tinitigan sa mga mata. “Nasagap mo ang itim na enerhiya niya at sumanib iyon sa sarili mong itim na enerhiya.”
“A-ano?” naguguluhang tanong niya rito. “A-ano pong sinasabi ninyo, Mr. Leviscus? H-hindi ko po kayo maintindihan, eh.”
Subalit mistulang walang naririnig si Mr. Leviscus. Puno ng takot ang mga mata nito. Patuloy siya nitong niyugyog sa kaniyang mga balikat.
“I-iligtas mo ang sarili mo!” hindi magkandatutong bilin nito sa kaniya. “Iligtas mo ang sarili mo habang may oras pa!”
III
“O, Vergara!” malakas na wika ng konduktor. “Yung mga bababa ho ng Vergara diyan, o!”
Subalit mistulang walang naririnig si Charles. Paulit-ulit bumabalik sa kaniyang isipan ang mga sinabi sa kaniya ng kanilang propesor na si Mr. Leviscus.
“Isa iyong portal!” pag-echo nang makapal nitong boses sa kaniyang mga tenga. “Nasagap mo ang itim na enerhiya niya at sumanib iyon sa sarili mong itim na enerhiya!”
Ipinilig-pilig niya ang kaniyang ulo. Pumikit nang mariin. Sinubukang ipadyak ang mga paa. Kasunod niyon ay biglang dumilim ang buong paligid at bumagsak ang mabagsik na ulan.
“Lintik!” malakas na mura ng konduktor. “Kaaraw-araw palang kanina tapos bigla na lang umulan ngayon!”
Subalit hindi iyon gaanong rumehistro sa kaniyang pandinig. Ugong lang. Isang malakas na ugong na humalo pa sa ingay ng ulan. Sa sobrang lakas, pakiramdam niya ay mabibingi siya. Sinubukan uli niyang ipadyak ang kaniyang mga paa. Padyak. Padyak. Padyak. Subalit sa bawat padyak niya ay palakas lamang nang palakas ang ugong. Pabagsik lamang nang pabagsik ang ulan. Hinawakan niya ang kaniyang ulo at sinabunutan ang sariling buhok. Parang masisiraan na yata siya bait. Inumpog niya ang ulo sa may salaming bintana. Palakas nang palakas nang palakas hanggang sa may maramdaman siyang maagang kamay na dumampi sa kaniyang balikat. Dahan-dahan siyang lumingon at napigil ang sariling hininga nang tumambad sa kaniya ang babae sa may waiting shed.
Ngumiti sa kaniya ang babae. Ang kalahating bahagi ng mukha nito na dati ay natatabingan ng mahaba nitong buhok ay nakalantad na ngunit kaiba sa kabilang bahagi ay kulubot iyon. Pisat ang mata. May malalim na pilat at malahibo. Halos umurong ang kaniyang dila.
“Ang sabi mo sa akin, maganda ako,” wika nito saka bumingisngis. Malamyos sa una ngunit biglang tuminis. “Maganda ako, hindi ba?”
Hindi pa rin niya nagawang magsalita. Nanginginig ang mga kamay, paa, at pati tuhod niya. Nanlalaki ang mata na nanatiling nakatitig lamang siya rito. Gusto niyang kumurap. Gustong pumikit. Gusto niyang ituon sa ibang direksyon ang paningin ngunit hindi niya magawa. Hindi niya kaya.
“Dito lang ako sa tabi mo,” wika uli nito sa nauna nitong malamyos na tinig. “Magsasama tayo. Magsasama tayo, Charles.”
Napalunok siya. Sinubukang magsalita. Sinubukang tumanggi ngunit hindi niya pa rin magawa. Nanghihilakbot na pinagmasdan niya na lamang ito habang binubuksan nito ang hawak nitong kulay pulang payong. Itinapat nito iyon sa kanilang mga ulunan saka muling sumulyap sa kaniya. Ngumiti.
Nangunot ang noo ni Charles. Nagpalinga-linga siya. Ang buong akala niya ay nasa loob pa rin sila ng bus ngunit unti-unti ay tila bigla silang napunta sa ibang dimensiyon. Nawala ang mga pasahero. Ang konduktor. Ang driver. Ang mismong bus. Sa halip ay natagpuan niya ang sariling nakaupo sa may waiting shed. May bubong ngunit hindi niya maintindihan kung bakit patuloy ang pagpatak ng ulan. Malakas na ulan na sinasangga ng pulang payong nito. Tumingin siya rito. Nakangiti pa rin ito.
“Dito, sa tabi ko,” sabi nito sa kaniya habang unti-unting nababalot ng dilim ang kabuuan ng mga mata at lumalaki at lumalalim ang tinig. “Habang-buhay.”
IV
“AHHHHHHHHH!!!!”
Umalingawngaw ang malakas na sigaw ni Charles sa buong hospital. Nagtakbuhan ang nurses papasok sa kaniyang room. Pilit siyang pinapakalma ngunit hindi siya mapakalma. Sa kaniyang paningin, ang mukhang taglay ng mga ito ay mukha pa rin ng babae sa waiting shed. Nagpapadyak siya.
“Please, please,” maluha-luhang pakiusap ng kaniyang ina. “Hayaan n’yong kausapin ko muna siya.”
Nagbuntong-hininga ang nurses at binigyang daan ang ginang. Lumapit ito sa kama ng anak na noon ay nakasandal sa headrest. Kipkip ang magkabilang tuhod at matatalim ang tingin sa bawat sulok ng kuwarto.
“Anak, anak, si mama ito,” tuluyan na itong naiyak. Pilit nitong kinuha ang mukha ng anak at ihinarap. “Si mama.”
Napatingin dito si Charles. Wari ay bigla itong nakasumpong ng isang mapagkalingang mukha. Dali-dali nitong sinungggaban ang ina at niyakap nang mahigpit.
“Mama,” iyak siya nang iyak. “Mama ko,”
“Diyos ko, anak,” humikbing wika nito. Hinaplos-haplos nito ang kaniyang likuran. “Ano bang nangyari sa’yo? Bakit ka ba nagkakaganyan?”
“Mama, hindi siya totoo, hindi ba?” aniya nang kumawala sa pagkakayakap sa ina. “Yung babae sa waiting shed, hindi siya totoo, di ba? Panaginip lang siya, di ba? Di ba?”
“Oo, anak, oo,” pag-aalo naman nito sa kaniya habang sinusuklay ng daliri ang kaniyang buhok. “Hindi siya totoo, anak.”
Mayroong kumatok sa pinto. Kapwa sila napalingon doon. Tumindig ang ginang ngunit pinigilan ni Charles ang kamay nito.
“Sandali lang, anak,” sabi nito. “Babalik ako.”
Binuksan nito ang pinto. Pumasok ang malamig at nakakikilabot na hangin ngunit walang tao. Pagkuwa’y yumuko ang ginang at may dinampot na kung ano sa sahig.
“M-ma?” nahintakutang wika ni Charles. “Mama, ano `yan?”
“Isang,” nagsalubong ang kilay nito habang nakatitig sa hawak. Pagkuway humarap ito sa kaniya at itinaas ang hawak. “Isang… pulang payong.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento