Natatanaw
pa namin ang entablado. Pati ang ingay ng mga tao ay dinig pa namin. Pero sa
halip na makigulo sa kanila ay pinili niyang pumwesto sa platform malayo sa mga
ito. Nakaupo lamang siya doon habang ako naman ay nakatingin sa kanyang mukha.
Ang ganda-ganda niya talaga. Natatandaan ko pa noong una ko siyang makita.
Naglalakad siya noong mag-isa sa dalampasigan. Nililipad ng hangin ang
alon-alon niyang buhok at ang kanyang puting bestida. Namumulot siya ng mga
kabibeng tinangay ng alon. Para siyang isang diwata at hindi ako makapaniwalang
halos abot-kamay ko lamang siya. Napigil ko ang aking hininga at kumabog nang
malakas ang aking dibdib. Nang sandaling iyon ay natiyak ko na agad na
babaguhin nang babaeng ito ang aking mundo. Binago niya nga dahil hindi naglaon
ay siya na ang aking naging mundo.
Nagsimulang
tumugtog ang banda sa entablado. “Back at One” ni Brian Mcknight ang kinakanta
ng vocalist. Sandaling nawala ang atensyon ko sa kanya at napaling sa
kumakanta. Ang ganda-ganda ng rendition niya. Hindi iyon nalalayo sa orihinal
na singer. Sa gulat ko, pagtuntong nito ng chorus, bigla niya iyong sinabayan.
Napatingin muli ako sa kanyang mukha.
“One,
you’re like a dream come true. Two, just wanna be with you. Three, boy, it’s
plain to see that you’re the only one for me. Four, repeat steps one, two,
three. Five, make you fall in love with me.”
Natigilan
ako. Ang lakas-lakas ng tibok ng puso ko. Ganitong-ganito rin ang naramdaman ko
nang unang beses siyang mag-“hi” sa akin. Hindi ko alam kung nacarried away
lamang siya kaya siya napakanta pero ako kasi, kung ano ang sinasabi ng kanta,
iyon din mismo ang nararamdaman ko para sa kanya. Mahal ko siya, matagal na.
Pero hindi ko alam kung pa’no sasabihin sa kanya. Pagkakataon ko na sana nang
gabing iyon pero naunahan na naman ako ng kaba.
“Punta
tayong karnabal pagkatapos.” sumulyap siya sa akin at saka ngumiti. “Gusto kong
sumakay ng roller coaster.”
Ang
sabi niya kaya tumango naman ako. Kapag ngumingiti siya sa akin nang gano’n,
pakiramdam ko, naglalakad ang mga paa ko sa alapaap. Hindi ko na alam ang
gagawin ko at biglang nagkakandagulo-gulo na ang sistema ko. Ganito siya
palagi. Napakaspontaneous niyang babae. Kahit nakapajama lang siya ay aayain
niya akong maggrocery. Wala siyang pakialam kahit na pinagtitinginan siya nang
ibang mga babaeng kuntodo ayos kahit mamimili lang. Wala rin akong pakialam.
Para sa akin kahit basahan pa ang isuot niya ay napakaganda pa rin niya.
Pagdating
namin sa karnabal, dadalawang bakanteng pwesto nalang ang natitira sa roller
coaster, magkalayo pa ang mga iyon. Ang sabi ko sa kanya, sumakay na kami. Pero
nung naglakad na ko papunta sa isa sa mga upuan, bigla niyang hinila ang kamay
ko. Natigilan ako. Napatingin ako sa magkakahugpong naming kamay. Hindi ko alam
kung nagiging romantiko lamang ako nang mga sandaling iyon, pero kasi,
pakiramdam ko yung distansiya sa pagitan ng mga daliri namin ay tila hinubog
talaga para sa isa’t-isa. Pinisil niya ang palad ko. Napaangat ang tingin ko sa
mukha niya. Natanaw ko ang pag-aalinlangan sa kanyang mga mata. Ang sabi niya
mamaya nalang daw kami sumakay. Nagtaka ko. Ang sabi ko sa kanya, kapag hindi
pa kami sumakay, kakailanganin na naman naming hintaying mapuno ang susunod na
batch. Ang sabi niya, okay lang daw. Di bale daw maghintay kami nang matagal
basta daw magkasama kami. Ayaw niya daw magkahiwalay kami ng mga upuan.
Natatakot daw kasi siya. Sandali akong natigilan. Kakaibang saya ang bumalot sa
dibdib ko. Ayaw niyang magkahiwalay kami. Ako rin. Ayaw ko ring magkahiwalay
kami. Kahit kailan. Kung kaya ko lang sanang sabihin sa kanya ang bagay na iyon
nang mga sandaling iyon. Pero sa pagbuka ng bibig ko, tanging buntong-hininga
lamang ang lumabas dito. Hay, bakit ba kasi ang torpe-torpe ko, eh. Napangiti
na lamang ako sa kanya saka tumango.
***
“Pahawak,
ah?”
Ang
sabi niya sa akin nang sa wakas ay makasakay na kami ng roller coaster matapos
ang ilang sandaling paghihintay. Ngumiti lang ako saka tumango bago ko iniabot
sa kanya ang kamay ko. I secretly smiled. Napuno nang samut-saring masarap na
pakiramdam ang dibdib ko. They indeed perfectly fit each other. Nagsimula nang
gumalaw ang roller coaster. Tili siya nang tili habang ako naman ay nakatitig
lang sa kanya. Parang hindi napapansin na dumadausdos kami pataas at pababa.
Nararamdaman kong pahigpit nang pahigpit ang kapit niya sa kamay ko. Halatang
takot na takot siya. Natatakot rin ako. Pero ang hindi niya alam, nang dahil sa
paghawak niya sa kamay ko, unti-unti nang nawala ang takot na iyon. Sana ganito
nalang kami palagi. Sana hindi na kailangan pa ng mga salita para maiparating
ang damdamin namin para sa isa’t-isa. Mahal ko siya at nararamdaman kong mahal
niya rin ako. Kahit hindi ko iyon direktang masabi sa kanya o hindi niya iyon
direktang masabi sa akin, para sa akin ay sapat na ito. Nakaupo siya sa tabi
ko, hawak ko ang kamay niya, at ang lapit-lapit namin sa langit. Sa katunayan
ay parang abot-kamay ko na lamang ang mga bituin. Pero aanhin ko naman ang mga
iyon gayong mas maningning pa sa kahit na anong bituin ang babaeng katabi ko
ngayon?
***
Nahagkan
ni Ada ang diary ng binata. Patuloy ang
pagpatak ng kanyang mga luha. Iyon ang huling entry nito bago mamatay sa isang
vehicular accident. Natatandaan pa niya ang araw na iyon. Tumawag ito sa kanya.
Puno ng sigla at determinasyon ang tinig nito. May sasabihin daw ito sa kanya.
Hinihiling nito na magkita silang muli sa karnabal. Nagpunta siya pero hindi na
ito nakarating pa. Lalong lumakas ang kanyang pag-iyak. Natagpuan ang diary
ilang araw matapos ang libing nito. Ibinigay ito sa kanya ng kapatid nito. Kung
maibabalik lang sana niya ang araw na iyon. Ang sandaling iyon. Hindi na muli
niyang pipigilan pa ang sarili sa pagsabing mahal niya ito. Pero huli na ang lahat. Wala na siyang magagawa.
Masakit man sa kanya, kailangan na niyang tanggapin na wala na ito, at sa mga
pahina ng diary na iyon na lamang niya ito makakasama pang muli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento