Linggo, Hunyo 30, 2019

Bespren (Short Story)


"Ang ganda-ganda pala talaga ng mga bituin, Howard." Nilingon ni Bernadette ang binata sa tabi. "Para silang mga mumunting dyamante sa kalangitan."


"Sabi ko naman sa'yo, 'di ba?" nakangiting tugon ni Howard. "Sila ang kayamanan ng langit sa tuwing sasapit ang gabi."


"Ang saya-saya ko nagawa natin 'to. Ang akala ko talaga ay sa pangarap nalang tayo makakapag-stargazing. Ang bait pa rin talaga ng Diyos at ibinalik niya ang paningin ko."


"Masayang-masaya rin ako para sa'yo." sinserong sabi rito ni Howard. "Ngayon, hindi mo nalang sa mga kwento maririnig ang mga magagandang bagay sa paligid mo. Makikita mo na talaga sila. Mararanasan,"


"Oh, Howie!" Niyakap siya ni Bernadette. "Salamat sa parating pagpapalakas ng loob ko noong wala pa akong paningin."


Ngumiti na lamang siya rito na para bang kuntento na sa natanggap na yakap mula sa dalaga. Ilang sandali pa nilang pinagmasdan ang mga nagniningning na bituin sa kalangitan. Ang lalawak ng ngiti sa kanilang mga labi. Para silang nakatanaw sa isang magandang paraiso.


"Howard, kailangan ko nang umuwi," mayamaya ay paalam na ni Bernadette. "Maraming salamat sa oras."


"Sus, ikaw pa ba, Bernadette?" ani Howard. "Alam mong... alam mong malakas ka sa akin 'di ba?"


"Kaya nga ba labs kita, eh!" pinisil nito ang tungki ng kanyang ilong bago kuhanin ang bag at isukbit iyon. "Oh, pa'no? Wag kang mawawala sa makalawa ha? Gusto kong makita ko ang bestfriend ko sa tabi ng groom ko sa araw ng kasal ko."


Nakangiting tumango lamang rito si Howard. Naramdaman niyang dinampian siya nito ng halik sa pisngi. Ilang sandali pa at narinig na niya ang mga yabag nito palayo hanggang sa tuluyan  nang manumbalik ang nakabibinging katahimikan. Ang kanina'y malawak niyang ngiti ay tuluyan nang napawi.


"L-Labs din kita... bestfriend," garalgal ang tinig na sabi niya. Tinanggal niya ang suot na shades. Lumantad ang mga luha na siya na lamang nagbibigay kislap sa kasalukuyan sa wala nang buhay na mga mata. "Hindi bale nang ako ang mabuhay sa dilim, 'wag ko lamang makitang ibang lalaki ang nasa tabi mo, at hindi ako."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento