Linggo, Hunyo 30, 2019

Sobrang Short Stories (SSS)

07/21/15
Nag-unahang pumatak ang kanyang mga luha habang pinagmamasdan si Rachel. Ang bawat sampal at suntok ng amain sa mura nitong katawan ay tila lumalatay din sa kanyang puso, sa kanyang pagkatao, sa kanyang kaluluwa. Kumuyom nang mahigpit ang kayang mga palad. Ang sakit na makita niya ito sa gano'ng kalagayan pero wala nang mas sasakit pa sa katotohanang wala siyang magawa para maipagtanggol ito mula sa walang pusong amain.
"Ate, 'wag kang OA," narinig niyang sabi ni Tintin sa kanya. "Teleserye lang 'yan."
------------------------

PICTURE FRAME (07/25/15)

ni Fatima O'Hara
Putsa, Mike! Wala lang ba ako rito? Para akong hangin, ah! Dinadaan-daanan mo lang ako!" ang naghihinanakit na sabi ni Merley sa asawa. "Please, kung may problema, kausapin mo naman ako. Huwag ka naman basta manahimik lang diyan. Pakiramdam ko tuloy, inutil ako, eh!"
Tuluyan na siyang napaluha. Tumakbo siya palabas ng kwarto. Naiwan si Mike sa harap ng study table. Nakalagay ang dalawang kamay nito sa ulo at tahimik na lumuluha. Pagkuwan ay nag-angat ito ng ulo. Binuksan ang drawer at kinuha ang isang picture frame.
"Putsa, Merley! Wala lang ba ako sa'yo? Para kang hangin, dumaan ka lang sa buhay ko, at iniwan mo rin agad ako." niyapos nito ang hawak na picture frame. "Kung may problema, sana nagsabi ka. Hindi ka sana nanahimik nalang. Pakiramdam ko tuloy, inutil ako dahil wala akong nagawa, para isalba ang buhay mo."
------------------------------------
YELO (07/25/15)
ni Fatima O'Hara
Nagmistulang laruan sa kanyang paningin ang mga bahay, gusali, tulay, at sasakyan nang tumingin siya sa baba. Napangiti siya nang malawak. Sa wakas, nakakalipad na siya. Salamat sa siyam-na-put-siyam na pulang lobong hawak ng dalawa niyang kamay. Ibinalik na ulit niya ang paningin sa taas. Lalong lumawak ang ngiti niya. Kaunti nalang. Kaunting-kaunti nalang, mapapasok na niya ang kalangitan. Pumikit siya at hinintay dumampi sa kanyang balat mga ulap hanggang sa...
"Putsa! Tanggalin mo nga `yang earphones mo!" singhal ng kanyang kuya sabay hablot sa nakapasak na earphones sa kanyang tenga. "Kanina pa may bumibili ng yelo. Bentahan mo! Natatae ako!"
Nagtatakbo na ito patungo sa banyo. Natutuliro namang napatitig siya sa hawak na Ipod. "Ninety-nine Red Balloons" ni Nena ang kasalukuyang nakasalang. Napakibit-balikat siya makalipas ang ilang sandali. Pinuntahan na niya ang bumibili ng yelo.
-------------------------------
TOWEL (07/25/15)
ni Fatima O'Hara
Nahulog sa sahig ng banyo ang towel na nakasabit sa balikat ni Judith. Yuyukod sana siya para kunin iyon pero hindi pa man ay may kamay nang nag-abot sa kanya niyon. Palibhasa'y abala sa pagkatikot sa tingang sumabit sa suot na brace kaya hindi niya iyon napagtuunan agad ng pansin.
"Thank you," sabi pa niya. Humakbang na siya palabas ng banyo pero ilang sandali lang ay agad ring natigilan. Pinagmasdan niya ang hawak na towel. "Wait, sinong nag-abot sa akin nito, eh, mag-isa lang naman ako rito?"
Gumapang ang kilabot sa kanyang ugat. Nanginginig at dahan-dahan siyang lumingon. Wala siyang nakitang multo. Pero mayro'ng kamay mula sa loob ng toilet bowl, kumakaway sa kanya
----------------------------------
JANE (08/02/15)
ni Fatima O’Hara
Araw ng Sabado. Pasado alas-dos ng tanghali. Naupo sa dating pwesto si John. Nanahimik. Matiyagang nag-abang. Ilang sandali pa at dumating na ang kanyang hinihintay. Si Jane. Ang dilag na si Jane. Palagi niya itong inaabangan doon. Palaging hinihintay. Parang hindi nakokompleto ang kanyang araw `pag di niya ito nakikita. Ang mahaba at itim na itim nitong buhok na nangingislap sa liwanag ng araw. Ang mapupungay nitong mata na tila ba nangungusap kapag iyong tinitigan. Ang balingkinitan nitong katawan na parang kayang sakupin ng isang palad niya. Ang ganda nito. Ang ganda-ganda nito. Para itong diyosa. Parang isang diyosa na muling nagbigay buhay sa isang bahagi ng kanyang puso na inakala niyang matagal nang namatay. Alam niyang sa unang sulyap pa lamang dito ay tinamaan na siya ng lintik. Lintik na mas matindi pa sa pana ni Kupido. Gusto niya itong lapitan. Gustong kausapin. Gusto niyang hawakan. Pero heto siya, nakaupo sa bangketa. Nakokontento sa mga nakaw na sulyap kay Jane. Si Jane na babaeng pinapangarap niya. Si Jane na nakatali na. Si Jane na pamilyado na. Si Jane na hanggang sa panaginip na lamang niya maaaring makasama.
--------------------
08/07/15
Naramdaman kong hindi nalang ako nag-iisa sa kama. Naramdaman kong lumundo ang kabilang bahagi niyon. Naramdaman ko rin ang kanyang hininga sa aking batok. Pero hindi ako kinilabutan, dahil sa aming dalawa, ako ang multo rito.
-----------------
08/07/15
Pinalakpakan ako ng musmos. Ang galing ko raw. Superhero raw ba ako. Sana raw sa susunod, ituro ko raw sa kanya ang sikreto, kung pa'no nahahati ang katawan ko.
------------------
08/07/15
Nagtapat siya sa akin ng pag-ibig. Di ako naniwala. Ang sabi niya, kahit tingnan ko pa raw ang nilalaman ng puso niya, makikita ko raw na pangalan ko ang nakaukit doon. Kaya naman dali-dali akong kumuha ng kutsilyo. Winakwak ko ang dibdib niya para makita kung totoo ngang nakaukit ang pangalan ko sa puso niya.
-------------------
08/12/15
"P're napakainit naman dito!" lawit ang dilang sabi nito. "Ano bang klaseng lugar ito?"

"Masanay ka na. p're." sabi niya. "Ganito talaga sa IMPIYERNO."

-------------------
08/16/15
Pasko. Napakajoyous ng paligid. Pero mas lalong naging masaya iyon nang makita ko siya sa studio kasama ang mga katrabaho namin. Nakangiti akong lumapit at isa-isa silang binati.

"Merry Christmas, Ate B! Merry Christmas, Sir T! Merry Christmas, Tiyang! Merry Christmas, Señor! Merry Christmas Sir G!" Napahinto ako pagdating sa kanya. Kumabog ang dibdib ko. Pinawisan nang malamig. Napahinga nang malalim. "Merry... me, Atom." ang sa halip ay nasabi ko.

----------------------------
08/17/15
"Pasensya na, p're. Nilooban kami kagabi. Natangay yung perang pambili ng lupa ninyo." balisa na pahayag nito. "Pasensya na talaga."

Tinapik nito sa braso si papa at laglag ang balikat na umalis na. Tiningala ko si papa. Parang hindi naman siya apektado sa nangyari.


"Pa, hindi ka ba nalulungkot na hindi nabili ang lupa natin?" tanong ko nang naglalakad na kami.


"Okay lang 'yon, anak." nakangising tugon nito. "Napasakamay ko pa rin naman yung pera, eh."

-----------------------
08/19/15
"M-minolestiya po ako..." anang katorse anyos na dalagita na hanggang sa mga sandaling iyon ay umiiyak at nanginginig pa rin sa takot. "M-minolestiya po ako!"

"Nasaan siya?!" kuyom ang mga palad at halos mabaliw nang bulalas ng ina nito. "Saan natin matatagpuan ang hayop na gumawa nito, anak?!"


"D-doon po," turo ng dalagita sa partikular na lugar sa may plaza. "D-doon po sa may simbahan."

--------------------------
8/20/15
"Kung bibigyan ka ng chance na sungkitin ang isa sa mga star sa langit, alin sa mga 'yan ang pipiliin mo?"

Pinagmasdan niya si Patrick. Kakaibang kislap ang namuo sa kanyang mga mata. Napangiti siya rito.


"Lalayo pa ba ko?" sabi niya rito. "S'yempre, ang gusto ko, yung star sa tabi ko."


Natitigilang napatitig sa kanya si Patrick.


"Oo, Pat," pagkukumpirma niya. "I want you to be my star!" she smiled at him, again. "My Patrick Star!"

--------------------
08/28/15
Bumukas ang pinto at pumasok ang susuray-suray na si Jack. Sinalubong ito ng asawa. Inalalayan at ihiniga sa sofa.

"Salamat, Lina," sabi nito saka masuyong hinaplos ang pisngi niya. "Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala ka. Mahal na mahal kita."


Ngumiti lang siya rito. Nagtungo siya ng kusina para igawa ito ng kape. Habang nagtitimpla ay bigla na lamang tumulo ang kanyang mga luha. Putangina! Ilang taon na silang kasal pero pangalan pa rin ng kakambal niya ang bukambibig nito.

--------------------------
10/01/15
"`Yan pala yung anak ni Aling Tessy!"
"Pagkapayat, ano? Papaano naman makakahanap ng trabaho ang ganyan. Halos buto't-balat nalang!"
"Sayang lang ang pinangpaaral ng magulang sa ganyan!"

Gustong sagutin ni Eunice ang mga tsismosang kapitbahay nila ngunit pinigilan niya ang sarili. Sa halip ay nagpatuloy siya sa paglalakad. Hintayin lang ng mga itong umere ang susunod na season ng Asia's Top Model at may kalalagyan ang mga ito.

--------------------------
Kaibigan ( 10/25/15)
ni Fatima O'Hara
Lumapit ako kay Virgie. Matagal ko na siyang kaibigan at palagi kaming magkasama. Alam kong matutulungan niya ako sa aking problema.
"Gie, may problema ako, eh. Kailangan kong humanap ng blood donor para sa kapatid ko. Samahan mo naman ako, o. Kahit suporta lang. Pinanghihinaan kasi talaga ako ng loob ngayon, eh."
Ngumiti siya sa akin. Tinapik ako sa balikat at sinabing, "Kaya mo na `yan." Ngumiti ako pabalik sa kanya at tumango. Pinagmasdan ko siya habang naglalakad palayo. Gusto ko nang umiyak noon. Napaupo nalang ako sa isang sulok at dumukdok. Doon ako nakita ni Leslie. Isang kakilala. Isang taong hindi ko madalas makasama. Hindi madalas makausap.
Kinalabit niya ako at sinabing, "May problema ka, ano? Kailangan mo ng tulong? Nandito lang ako."
Magsimula nang araw na iyon ay nagbago na ang pananaw ko sa salitang "kaibigan."
--------------------------
Patalim ( 10/25/15)
ni Fatima O'Hara
Nakita niyang nakatingin sa kanya ang isang pares ng mga mata. Walang kahit na anong bakas ng siglang mababanaag sa mga iyon. Wala, dahil ang tanging nakapaloob lamang doon ay pagkasuklam. Kung nasusuklam ito sa kanya, pwes, higit lalo siya rito. Ang pangit nito. Ang pangit-pangit nito. Wala siyang maisip na magandang dahilan kung bakit may nabubuhay pang katulad nito sa mundong ibabaw. Lahat nga ng mga kaklase nila ay nilalayuan ito. Itinataboy ito. Lahat sila ay ayaw rito. Pinagtatawanan ito. Salot kasi ito. Isa itong malaking salot. Ang dapat rito ay mawala. Maglaho. Wala na dapat pa itong ibang taong maperhuwisyo.
Naglabas siya ng patalim mula sa kanyang bag. Nakita niyang naglabas rin ito ng sariling patalim. Wala na siyang pakialam. Hindi na niya iniisip kung anong kahihitnatnan ng gagawin. Kailangang mawala ito. Kailangan nitong mamatay. Iyon lang ang gusto niyang gawin nang mga sandaling iyon. Iyon lang ang gusto niyang mangyari. Iyon lang din ang makakapagpatahimik sa kanya.
Inundayan niya ito ng sunod-sunod na saksak. Sa tiyan, sa braso, sa tagiliran. Kung anong parte ang mahagip ng kanyang hawak na patalim. Ilang sandali pa at tuluyan na itong nanghina. Napadausdos ito mula sa kinasasandalan. Gumuhit doon ang masaganang dugo mula sa sugatan nitong katawan. Napangiti siya. Sa wakas at nagtagumpay siya! Nagtagumpay siyang magapi ito. Nagtagumpay siyang magapi ang kanyang sarili!
------------------------
Luke ( 10/25/15)
ni Fatima O'Hara
"Who knows how long I've loved you You know I love you still Will I wait a lonely lifetime? If you want me to, I will."
Nangislap ang luha sa gilid ng mga mata ni Rose habang pinapanood ang panghaharana sa kanya ni Luke.
"Love you forever and forever Love you with all my heart Love you whenever we're together Love you when we're apart."
Sa buong sandaling kumakanta ito ay hindi nito inilayo ang paningin sa kanya. Tanaw na tanaw niya mula roon ang labis na pagmamahal na ni sa hinagap ay hindi niya akalaing makakamtan niya. Hindi na niya napigil ang sarili at tuluyan na siyang naiyak.
"And when at last I found you Your song will fill the air Sing it loud so I can hear you Make it easy to be near you All the things you do endear you to me Oh, you know I will."
Hindi na kinaya pa ni Rose ang bugso ng kanyang emosyon. Pinatay niya ang video player at nagtatakbo patungo sa kanyang kwarto. Kahit na paulit-ulit pa siyang maluha sa tuwing papanoorin iyon, gagawin niya, masilayan lamang muli si Luke.
--------------------------
01/16/16
Natulala ako nang matanaw si Conrad na naglalakad patungo sa akin. May hawak siyang mga bulaklak. Paglapit ay inabot niya ang mga iyon sa akin at lumuhod.
“Will you marry me, Cynthia?” wika niya na may malawak na ngiti sa kaniyang mga labi.
Napatango na lamang ako at umiiyak na yumakap sa kaniya. Nag-iyakan kami sa balikat ng isa’t-isa. Hindi ako makapaniwala na pagkataposng limampung taon ay muli silang haharap sa altar.
----------------
01/21/16
Nakatayo siya sa gitna ng daan. Ni hindi gumagalaw. Ni hindi kumukurap habang nakatingin sa isang aandap-andap na ilaw. Mayamaya ay bigla nalang siyang nagsimulang tumangis sa di malaman na dahilan. Dala ng pag-aalala at pagtataka ay lumapit ako sa kanya.
"Manong, bakit po kayo umiiyak?" Ang tanong ko.
Ni hindi siya nag-abalang sulyapan ako. "Ang ilaw... wala na." Ang nagawa niyang itugon sa kabila ng pagtangis.
Pinagmasdan ko ang tinutukoy niyang ilaw at naiyak nalang din ako nang makitang buhay iyon at patuloy sa pag-andap.
-------------------------
01/31/16
“Nasabi ko na ba sa’yo?”
“Ang alin?”
“Mahal kita.”
“Nakalimutan mo na ba?”
“Ang alin?”
“Mahal rin kita.”
-------------------------
LOBO (02/03/16)
Pinagmasdan niya ang isang dosenang puting lobong hawak niya bago niya iyon pakawalan mula sa kaniyang mga kamay. Parang nananaginip siya, mga ngiti sa labi niya’y kay dalisay, habang inihahatid ang mga iyon ng tanaw mula sa kalangitan. Subalit, unti-unti, napalis ang mga ngiti na iyon nang sa isang iglap, may maligaw na isang kulay itim na lobo sa bungkos ng kaniyang mga puting lobo. Kunot ang noong luminga siya mula sa di kalayuan, para lamang mabungaran ang isang may katandaan ng lalaki. Kaparis niya, nakamasid din ito sa mga lobo. Blangko ang ekspresyon na mababanaag sa mukha nito bagaman ang mga mata ay punong-puno ng sari-saring emosyon.
“Lahat ng puti ay may itinatagong itim.” Luminga sa kaniyang direksyon ang lalaki at nagtama ang kanilang mga paningin. “Sa mundong ito, lahat ng bagay ay namamantsahan.”
Pagkasabi niyon ay naglakad ang lalaki palayo na para bang walang nangyari habang siya ay tila napiping nanatiling nakaupo sa kaniyang kinaroroonan. Napahawak siya sa kaniyang mga hitang may marka pa ng mararahas na kamay ng kliyente niyang Amerikano kagabi. Unti-unti, kasabay ng pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata, ay lumabo ang imahe nito sa kaniyang paningin. Pero sa kabila niyon, hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang marka sa kanan nitong braso na tanda na minsan ito’y naging isang bilanggo.
-----------------------
02/03/16

"O, bes, mayro'n ka pala uling bagong tula galing sa secret admirer mo." ani Kamille na iniumang kay Gian ang isang nakatuping papel na nahulog buhat sa locker nito. "Di mo man lang ba babasahin?"


"Hindi na, bes. Hindi naman ako interesado. Saka, balak ko nang ituloy ang panliligaw kay Diana." balewalang tugon nito saka siya tinapik sa braso. "Sige, bes, mauna na muna ko."


Nakangiting tinanguan lamang ito ni Kamille. Inihatid niya ito ng tanaw, subalit nakakailang hakbang pa lamang ito ay agad nang nanlabo ang kaniyang paningin, dulot ng luha. Napayuko siya at kumuyom ang kaniyang mga palad. Sayang lang pala ang mga gabing inilaan niya para isulat ang mga tulang iyon.

-----------------
02/12/16

"Ely, tingnan mo ang munting anghel natin. Ang cute cute niya talaga. Nakuha niya ang mapupungay mong mga mata."


Ngumiti si Ely sa asawa saka naluluhang pinagmasdan ang manika sa may crib.

---------------
03/13/16
“I love you,” I told him.
He smiled at me and answered, “Thank you.”
------------------
03/13/16
Nagsialisan na ang lahat subalit si Minda ay nanatiling nakatayo doon. Nilapitan ito ni Jay. Niyakap nang mahigpit.
“Okay lang `yan, mahal,” sabi niya rito. “Magiging maayos rin ang lahat.”
Subalit hindi tumugon si Minda. Hindi rin ito tuminag upang tugunin ang yakap niya. Sa halip ay nanatili itong lumuluhang nakatingin sa kaniyang lapida.
------------------
03/13/16
Noong bata pa ako, ang mga kamay ni ina ang nagsisilbi kong kanlungan. Ito ang humahaplos sa aking buhok upang ako ay makatulog sa gabi. Ito rin ang pumapalis sa mga luha ko sa pisngi. Subalit, higit sa lahat, ang mga kamay niya ang siyang gumagamot sa mga galos na nakukuha ko sa paglalaro. Ngayon, malaki na ako, at masasabi kong walang nagbago. Ang mga kamay pa rin ni ina ang gumagamot sa aking mga sugat... mga sugat na sa kasamaang palad... siya mismo ang may likha.
-------------------
03/13/16
"Good news, Margie!" masayang bungad ng kaniyang abugado. "Laya ka na!"
Sinulyapan ni Margie ang kaniyang abugado. Kakaba-kabang inabot niya ang envelope na hawak nito. Napangiti siya.
"Thank you, Attorney!" maluha-luhang sabi niya. "Sa wakas, makakapagsimula na rin ako ng bagong buhay."
Aniya na itinago na sa bag ang naturang envelope na naglalaman ng aprubadong annulment papers.
-----------------
03/13/16
Palagi kong nakikita si Mang Gardo sa labas ng school namin. Matiyaga siyang nagtitinda ng ice drop sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Naisip ko, siguro, sobrang proud sa kaniya ng pamilya niya. Ang sipag-sipag kasi niya at ginagawa niya talaga ang lahat para lamang kumita ng pera para sa kanila. Kaya naman, nang minsang magkaroon kami ng assignment patungkol sa pamilya, lumapit ako kay Mang Gardo.
“Mang Gardo, heto po ang papel at lapis,” sabi ko sa kaniya. “Pakidrowing n’yo po diyan kung ano ang pamilya para sa inyo.”
Kinuha naman iyon agad ni Mang Gardo. Walang imik siyang nagsimula sa pagguhit habang ako naman ay matiyagang naghihintay sa kaniya. nang matapos si Mang Gardo, excited kong kinuha mula sa kaniya ang papel na pinagguhitan niya. Natigilan ako nang makita ang labing-dalawang pusang nakaguhit mula doon.
------------------------
POBRE (03/13/16)
ni Fatima O’Hara
“Pobre na ako, pare! Pesteng sugal iyan! Kasalanan niya kung bakit ang bahay, isang sasakyan, at kalahating hektarya na lamang ng lupain ang natitira sa akin!” hinaing ni Jerry sa kaibigang si Jopet na walang permanenteng tinitirahan, walang sasakyan, at walang pagmamay-ari kahit na lupang nakapaso man lang.
----
"Sa gitna ng giyerang kasalukuyang nagaganap sa mismong harapan niya ay mas pinili niyang ipikit ang kaniyang mga mata habang sa kaniyang isipan ay pumapailanlang ang misteryosong liriko ng isang kanta."


♪ Living is easy with eyes close, misunderstanding all you see ♪♪



Pagkukuwento ng bulag na matanda sa kaniyang apong pangarap maging isang sundalo.

------------------------
5/29/2016
Kamusta ka na?" tanong nito sa kaniya. "Kamusta ang heart operation mo?"
"Okay naman..." aniya habang binibigkas sa isip ang mga kasunod na salitang hindi niya magawang sabihin rito. "Okay naman hanggang sa makita kita ngayon at bumalik lahat ng sakit."
------------------------
4/5/2016
Naglalakad si Benj patungo sa may second gate. Pagod at gutom siya dahil sa maghapong klase. Pagdating doo'y agad siyang sumakay sa naghihintay na dyip. Wala pang ilang minuto ay may tumabi sa kanyang isang babae. Halatang pagod at gutom rin ito, ngunit lingid sa kaniyang kaalaman, di tulad niya ay di ito nagkagayon dahil sa maghapong klase. Napagod at nagutom ito dahil sa kakaabang at kakahintay... sa kaniyang pagdaan.
"Huy, nakita namin kanina yung crush mong taga-Vet." sabi sa kaniya ng kaklase niya. "Ano na ngang pangalan no'n? Be... ano na `yon? B-benj ba?"
"Ah, si benj," balewalang sagot niya. "Nako, di ko na crush `yon."
Pagkasabi niyon ay dinampot niya ang kaniyang mga libro at isinukbit ang kaniyang bag.
"O, san ka punta?"
"Library lang," tugon niya. "Gagawa akong thesis"
Nagsimula na siyang maglakad subalit hindi pa gaanong nakakalayo ay muli nang umalingawngaw ang tinig ng kaniyang kaklase.
"Huy, gaga!" nakatawang sigaw nito. "Daan papuntang Vet `yan, sa kabila yung pa-library!"


------------------------

4/21/2016
------------------------
6/11/2016
"Bes, ano?" pukaw sa kanya ng kaibigan, "Ready ka na for grad ball?"
"Nako, hindi na siguro ako pupunta ng grad ball," desididong tugon niya rito, "Alam mo namang hindi ako mahilig sa mga gano'ng--"
"Pupunta raw si Benj," pamumutol nito sa kaniyang sinasabi, "Chinika sa akin ng blockmate niya."

"Actually, alam mo, masarap din naman magpunta sa mga gano'ng event minsan," bawi niya, "Kelan na nga uli iyon, bes?"
------------------------
10/18/2016
"Sino ka?" tanong sa akin ng matanda sa aking harapan. "Sino ka?"
"Concerned citizen," tugon ko bago ko siya ihinabilin sa nurse ng institusyong iyon. Habang naglalakad ako ay naririnig ko pa rin ang paulit-ulit niyang pagtatanong ng "sino ka?" Napalunok ako sabay bulong ng, "Patawad, tatay."
------------------------
4/28/2017
"It's okay, Anya," tinapik-tapik siya sa likod ng guro nila. "It's okay."
Pero hindi nagawang kumalma ni Anya. Patuloy pa rin siya sa pag-iyak habang pinagmamasdan ang bangkay ng bestfriend sa banyo ng kanilang paaralan. Laslas ang kanang pulso nito.
"P-pwede ko po ba siyang lapitan, Ma'am?" pagkuwan ay tanong niya sa guro.
Napabuntong-hininga ang guro---tumango. Nilapitan niya ang bestfriend. Iyak siya nang iyak.
"Annika, bakit?" lumuluhang bulong niya. "Bakit ko ito nagawa sa'yo?"
------------------------
10/23/2017
"Alam mo ba kung anong nangyayari sa tuwing kinakalimutan mong magdasal sa gabi bago ka matulog?" Tanong ni Lolo Tonyo sa kaniyang apong si Isaac.
Umiling ito.
"Kapag nakalimutan mong magdasal ay malayang nakakalapit sa'yo ang mga ligaw na kaluluwa, apo." tugon nito na lumalim ang tinig. "Pinapaligiran ka nila at pinapanood ang iyong pagtulog."
Napalunok si Isaac.
"Kaya lagi kang magdadasal sa gabi, apo, ha?"
Tumango si Isaac at inihatid ng tanaw ang lolo na pumasok ng kusina. Nang mawala na ang matanda ay umalingawngaw ang isang bungisngis.
"Sus, wag kang maniwala doon," anang duguang bata sa kaniyang tabi na umakbay pa sa kaniya. "Tara, laro na tayo?"

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento