WEEEEEEOOOOOOWEEEEEEOOOOO
WEEEEEOOOOOOOWEEEEEEOOOOO
WEEEEEOOOOOOOWEEEEEEOOOOO
Pinagmasdan niya ang humaharurot na ambulansiya. Nagsitabihan ang mga sasakyan at maging ang sasakyang minamaneho ng kaniyang mommy ay agad ring itinabi nito. Binuksan niya ang bintana para mapagmasdan iyon nang mabuti. Pagdaan niyon sa kaniyang gilid ay nagliparan ang buhok niya sa bilis nang takbo niyon.
“Death,” naisaloob niya. Sigurado siyang ang sino mang sakay ng ambulansiyang iyon ay nag-aagaw buhay sa mga sandaling iyon. Kung hindi buhay ay kamatayan ang kakahinatnan nito.
PPPPPPPPPPRRRRRRRRTTTTTTTTTTTTT
“Pucha!” wika ng kaniyang mommy pagpreno nito. Sa lakas ay kamuntik na siyang mapasubsob sa may dashboard. Mabuti na lamang at nakaseatbelt siya at nakahawak nang mabuti sa kaniyang upuan.
“Mommy, anong nangyari?” tanong niya rito.
“May dumaang pusa, anak,” tugon nito na hinihingal at pawis na pawis. “Kamuntik ko na nang masagasaan. Mabuti nalang at nakapagpreno ako agad.”
Pinagmasdan niya ang pusang sinasabi nito. Nakatuntong iyon sa ibabaw ng isang sementadong poste. Kulay itim at mabalasik ang tingin sa kanila. Gayunman, hindi niya iyon pinansin pagkat natuon ang kaniyang atensyon sa bakanteng lote na siyang tila binabakuran ng naturang pusa.
“Ma, ito na ba `yon?” tanong niya sa ina na hindi maalis-alis ang tingin sa may bakanteng lote.
“Hindi, anak.” tugon ng kaniyang mommy. “Yung sa atin ay yung katapat.”
Walang babalang minaniobra na uli ng kaniyang mommy ang sinasakyan nila. Patungo sa katapat na lote na may two-storey house sa gitna. Ipinasok nito iyon sa loob ng bakuran ngunit kahit kahit nakalayo na, sa hindi maipaliwanag na dahilan, sa bakanteng lote pa rin nakatuon ang kaniyang tingin.
II
“Naku, welcome, ha.” wika ng kaniyang Tiya Soledad. “Ilang dipa lamang ang layo ng bahay namin ng Tiyo Danny mo sa inyo kaya kung may kailangan kayo ay puwedeng-puwede n’yo kaming puntahan.”
Hindi pinansin ni Sheena ang kaniyang tiyahin. Nanatili siyang nakatayo sa may tapat ng bintana at nakatanaw sa may bakanteng lote sa tapat. Di kalaunan nang hindi makatiis ay pumihit siya paharap rito.
“Tiya, sino pong may-ari ng bakanteng lote sa tapat?” tanong niya sa tiyahin. “Kakilala n’yo po ba?”
Napatda ang kaniyang Tiya Soledad. Bahagyang nawala ang kulay sa mukha at napatitig sa kaniya. Sabay labas naman ng kaniyang mommy mula sa isang kuwarto sa bahay.
“Pagpasensiyahan mo na itong si Sheena, Sol.” sabi ng kaniyang mommy. “Ngayon lang kasi kami makakapagbakasyon rito kaya hindi maiwasang hindi mag-usisa.”
Nakangiting napatango-tango naman ang kaniyang Tiya Soledad ngunit nanatiling maputla ang mukha. Siya naman ay muli nang ibinalik ang tingin sa may bakanteng lote. “Ang ganda,” naisip niya. “Ang ganda-ganda,”
III
“Sheena, naayos mo na ba yung---” hindi na nagawa pang ituloy ni Mrs. Dela Rosa ang sinasabi nang mamasdan ang loob ng kuwarto ng dalagitang anak. “Diyos ko, Sheena! Nakakadalawang araw na tayo rito ay hindi mo pa rin naayos ang mga gamit mo? Ano bang inaatupag mo na bata ka?”
Subalit mistulang walang narinig si Sheena. Ipinagpatuloy nito ang pagguhit sa kaniyang sketch pad habang pasulyap-sulyap sa may bakanteng lote na tanaw sa bintana ng kuwarto nito. Napapailaing na nilapitan na ito ng ginang.
“Akin na nga `yan!” inagaw nito mula sa kaniya ang hawak na sketch pad. Nangunot ang noo nito nang mapagmasdan iyon. Muli nitong ibinalik sa kaniya ang paningin. “Ano ito?”
Noon lamang siya pinag-angatan ng mukha ni Sheena. Ngumiti ito. Noon lamang niya napansin na nanlalalim at nangingitim ang ilalim ng mga mata nito.
“Ang ganda, ano, mommy?” wika nito na para bang wala sa sarili. “Kahit noong nagbakasyon tayo sa abroad last year ay hindi pa ako nakakita ng ganiyan kagandang tanawin.”
Muli itong namintana at sumulyap sa may bakanteng lote sa tapat. Lalong lumawak ang pagkakangiti nito habang nakatingin doon. Kinabahan ang ginang at dali-daling isinara ang mga bintana.
“Ikaw talagang bata ka! Ano bang tanawin ang pinagsasabi mo? Eh, wala naman makikita sa lote sa tapat kung hindi mga damo.” suwesto nito sa anak. “Ang mabuti pa, mag-unat unat ka na riyan. Tama na muna ang kakadrowing at magligpit ka ng kuwarto mo. Pagkatapos mo, kakain na tayo, okay?”
IV
“Sigurado ka bang ayaw mong sumama?”
“No, mommy.”
Kinuha ni Sheena ang malaki niyang teddy bear at namaluktot sa kaniyang kama. Para bang hapong-hapo ito. Napabuntong-hininga si Mrs. Del Rosa.
“O, siya, kung ayaw mo talaga ay hindi kita pipilitin.” sabi nito sa anak. “Sandali lang naman ako. Dadaan lang ako sa bangko at maggogrocery nang kaunti. Babalik ako agad, okay?”
“Yes, mommy.”
Dinampian nito ng halik si Sheena sa pisngi. Isang beses pa nitong pinasadahan ng tingin ang anak bago lumabas at ipinid ang pinto. Ilang sandali pa at umugong na ang tunog ng isang papaalis na sasakyan. Biglang bumukas ang kanina’y nakapikit na mga mata ni Sheena.
Nagtatakbo siya palabas ng kuwarto at inihatid ng tanaw ang papalayong sasakyan ng kaniyang mommy. Nang tuluyan na iyong mawala sa kaniyang paningin ay napangiti siya. Dali-dali niyang binalikan sa kuwarto ang kaniyang tsinelas at lumabas.
“Wow,” bulalas niya pagdating sa may bakanteng lote. Namamanghang tiningala niya ang nagtataasang mga puno na nakapaligid sa kaniya. “Ang ganda,”
Kipkip ang kaniyang teddy bear ay nagpalakad-lakad siya. May natanaw siyang lupon ng sari-saring makukulay na bulaklak sa di kalayuan. Nagtatakbo siya doon at nagpatalon-talon na akala mo ay batang musmos.
“Ang ganda,” ang tanging salitang paulit-ulit na namumutawi sa kaniyang mga labi. “Ang ganda-ganda,”
Hindi lang mga bulaklak at mga puno ang nakita niya doon. May natanaw rin siyang batis doon.
Isang batis na mayroong napakalinaw na tubig. Sa labis na pagkamangha ay hindi niya napigilan ang sariling magtungo sa gilid niyon. Natanaw niya ang sariling repleksyon sa malinaw na tubig.
“Ang ganda,” sabi na naman niya habang hinahaplos-haplos ang magkabilang mga pisngi. “Ang ganda-ganda,”
Subalit natigilan siya sa paghaplos-haplos sa magkabilang pisngi. May namataan siyang mabilis na aninong dumaan sa kaniyang likuran. Kakaba-kabang napapihit siya at nagpalinga-linga.
Katahimikan. Nakabibinging katahimikan. Nakahinga siya nang maluwag. Gawa-gawa lang siguro ng kaniyang imahinasyon, naisip niya. Muli na siyang pumihit paharap sa may tubig-batis at…
“Ha…”
“Ha…”
“Ha…”
May dalawang mukha siyang namataan sa magkabilang gilid niya. Humihinga nang marahas sa magkabilang tenga niya. Kapwa sunog at pisat ang mga mata ng mga ito. May bakas ng sinulid ang mga labi na para bang tinahi ang mga iyon at puwersahang inalis makalipas ang mahabang panahon. Sa repleksyon niya sa may tubig ng batis ay nakita niyang titig na titig ang mga ito sa kaniya. Biglang nanindig ang kaniyang mga balahibo at sa pakiramdam niya ay tila lumaki ang kaniyang ulo.
“Ha…”
“Ha…”
“Ha…”
Parahas nang parahas ang paghinga ng mga ito sa tapat ng kaniyang tenga. Napapikit na lamang siya nang mariin sa pag-asang sa muli niyang pagdilat ay mawawala na ang mga ito. Isa. Dalawa. Tatlo. Paulit-ulit siyang nagbilang hanggang sa makaipon na ng sapat na lakas na loob. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang paningin ngunit lalong lumala lamang ang kaniyang nasilayan. Ang dalawang mukha ay nasa tabi pa rin niya. Nakatingin. Nakangiti sa kaniya…
V
“AAAAAAHHHHHHHHHHHHH!!!!!”
“Sheena, gising!” tinapik-tapik ni Mrs. Dela Rosa sa may pisngi ang nagwawalang anak. “Si mommy ito, si mommy…”
Nagmulat ng paningin si Sheena. “M-mommy?”
“Oo, anak,” tugon niya. “Oo, si mommy nga ito.”
“Mommy!”
Kinabig ni Sheena ang ina. Nanginginig na niyakap nang mahigpit. Sa sobrang higpit ay halos kapusin na ng hininga ang ginang.
“It’s okay, darling,” sabi niya habang halinhinang hinimas-himas ang buhok at likuran nito. “It’s gonna be okay.”
Nang lumabas si Mrs. Dela Rosa sa silid ni Sheena ay nakatulog na uli ito. Naabutan niya sa may sala ang kapatid na si Soledad. Nanghihinang naupo siya sa tabi nito.
“Kamusta si Sheena, ate?” tanong nito sa kaniya.
Nagbuntong-hininga siya. “Hindi pa rin maganda, Sol. Ilang araw na siyang nilalagnat nang mataas at sumisigaw sa kaniyang pagtulog. Sa tuwing dadalhin ko naman sa doctor ay palaging negatibo ang lumalabas na resulta sa mga test sa kaniya kaya hindi siya maresitahan ng anumang gamot at sa huli’y pinapauwi lamang kami.”
Hindi kaagad nagawang magsalita ni Soledad bagaman kakikitaan ng pangamba ang mukha nito. Parang may kung anong malalim na iniisip. Pagkuwan ay napapalunok na sinulyapan nito ang kapatid.
“Noong nakaraan ay nagtatanong si Sheena tungkol sa may bakanteng lote sa tapat…” napahinto ito at muling napalunok. “N-nagpunta ba siya doon?”
“Hindi ako sigurado. Pero noong araw na iniwan ko siya saglit dito sa bahay para maggrocery ay naabutan ko siya sa may harapan ng bahay. Tulala at humahangos.” Pagkukuwento niya. “Magsimula nang araw na iyon ay nagkaganiyan na siya.”
Tumayo ang ginang. Pumasok sa isang kuwarto. Paglabas nito ay hawak na nito ang sketch pad ni Sheena. Iniabot nito iyon kay Soledad.
“Naabutan kong dinodrowing niya `yan noong pangalawang araw namin dito.” saad niya. “Hindi ko alam kung saan niya kinopya ang mga yan pero sinasabi niyang nakita niyang lahat nang `yan sa may bakanteng lote sa tapat.”
Pinagmasdan ni Soledad ang mga drowing sa naturang sketch pad. Gumapang ang kilabot sa kaniyang sistema. Ang mga drowing ay nagpapakita ng sari-saring magagandang tanawin. Matataas na puno. Magagandang bulaklak. Kumikislap na batis.
“K-kailangan n’yo nang umalis dito, ate…” nanghihinang wika nito matapos ibalik sa kaniya ang sketch pad. “Umalis na kayo!”
“T-teka, anong?” naguguluhang tanong ng ginang sa kapatid. “Anong ibig mong sabihin, Sol?”
“Marami-rami nang kuwento-kuwento ukol sa mga kaluluwang ligaw na nakakulong sa may lote. Nang-aakit sila ng mga dayo nang sa gayon ay makamkam nila ang katawang-lupa nito at ang kaluluwa ng mga ito ang makulong sa may lote. Kukunin nila si Sheena!” halos hindi magkandatutong salaysay nito. “Umalis na kayo habang may oras pa!”
VI
“Yung mga kahon nasa van na, ate,” ani Sol. “Gisingin mo na si Sheena at nang makaluwas na kayo agad.”
“Oo, Sol,”
BLAAAAAAAAAAAAGGGGGG
Natigilan sa paghakbang papasok sa bahay si Mrs. Dela Rosa matapos umalingawngaw ang nakabibinging tunog na iyon. Mistulang may kung anong salaming nabasag. Makalipas ang ilang sandali ay kinutuban nang hindi maganda ang ginang.
“Si Sheena!”
Humahangos na nagtatakbo sila patungo sa kuwarto ng dalagita. Kapwa sila napatda pagdating doon. Wala na si Sheena sa kama at basag na ang salaming bintana ng kuwarto nito.
“Diyos ko, Sheena!” hagulgol ng ginang. Hindi nito malaman ang gagawin. Hinarap nito ang tulalang kapatid. “Sol, nasaan na ang anak ko?”
Walang salitang narinig kay Soledad. Sa halip ay dahan-dahan nitong itinaas ang kamay. Itinuro ang bakanteng lote sa may tapat kung saan makikitang nakatayo si Sheena.
“Sheena, anak?”
Nagtatakbo sila ni Soledad patungo sa may bakanteng lote. Naroon lamang si Sheena. Nakatayo at parang wala sa sarili.
“Sheena, anak ko!” sigaw ng ginang. “Anak, nandito ako! Lumabas ka na diyan, please. Kailangan na nating umalis!”
Subalit mistulang walang narinig si Sheena. Kipkip ang teddy bear nito ay naupo ito sa may gitna. Parang may kung anong binabantayan.
“Sheena, ano ba---?” Sinubukang humakbang palapit ng kaniyang mommy ngunit kaagad din itong natigilan. May kumislap na isang nakasisilaw na liwanag. “Ahhhhh!!!”
“Ha…”
“Ha…”
“Ha…”
Mga mararahas na paghinga ang sumunod. Umalingawngaw iyon sa buong paligid. Masakit sa tenga. Halos mabingaw ang magkapatid.
“Sheena…” saad ni Mrs. Dela Rosa.
Nang lumipas ang liwanag at mawala ang mararahas na paghinga ay nabigla sila sa nakita. May dalawang malalalim nang hukay sa magkabilang gilid ni Sheena. Sa gitna niyon ay nakasungaw ang dalawang mukha na kapwa sunog at pisat ang mga mata.
“Diyos ko,” natutop ng ginang ang bibig. “Diyos ko, anak, pakiusap lumayo ka diyan!”
Subalit tulad kanina ay mistulang walang narinig si Sheena. Dahan-dahan itong humakbang patungo sa hukay sa kanan. Napangiti ang mukhang nakasungaw doon.
“Hindiiiiiiiiii,” paulit-ulit na sigaw ng kaniyang mommy. “Hindi, anak, huwag please…”
Sinubukan nitong ihakbang ang mga paa ngunit tila may kung anong kadenang nakabigkis sa mga iyon. Sigaw siya nang sigaw pero nanatiling bingi si Sheena sa kaniyang mga sigaw. Humakbang ito. Dahan-dahan. Subalit bago pa man makarating sa may dulo ay may humila na sa mga paa nito at tuluyang nahulog sa hukay.
“Sheenaaaaaaa!” halos mabaliw si Mrs. Dela Rosa. “Anak ko! Hindi! Waaaaahhhhh!”
Subalit huli na ang lahat. Kung paanong sumambulat ang nakasisilaw na liwanag ay gano’n uli ang nangyari. Nagsara ang hukay na pinaghulugan ni Sheena at tanging ang teddy bear nito ang naiwang nakalagak sa may lupa.
“Diyos ko,” nanghihinang saad ng ginang. Sinulyapan nito ang kapatid. “Ano nang gagawin natin ngayon, Sol---”
Natigilan siya. Napaatras. Hindi si Soledad ang kaniyang namataan sa tabi kung hindi ang isa sa mga nilalang sa may hukay kanina. Sunog ang balat at pisat ang mga mata. Ngumiti ito sa kaniya.
“H-Hindi,”
Napapalunok na sumulyap siya muli sa may bakanteng lote at nakita niya mula doon si Soledad---unti-unting nilalamon ng isa pang hukay.
“Sol!” sigaw niya. “Soooooooolllllll!!!!!!!”
Katahimikan.
Nakabibinginging katahimikan ang sumunod,
At mararahas na paghinga.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento