Pinagmasdan ko ang babae. Sa ilang sandali ay natulala ako habang pinagmamasdan siya. Kamukha niya yung lakambini namin noong hayskul na ginawan ko ng sandamakmak na love letters ngunit hindi ko rin naman nagawang ibigay.
“Elaine?” pagbabakasakali ko. “Elaine Montecillo?”
Hindi niya kaagad nagawang tumugon. Gumuhit ang pagkagulat sa kaniyang mukha. Pinagmasdan niya rin ako na para bang kinikilala ang aking mukha.
“Oh my goodness!” di kalaunan ay bulalas niya. “Aris, ikaw ba `yan?”
Napangiti ako nang tuluyan. Si Elaine nga, naisip ko. Mahigit labinlimang-taon na rin ang nakalipas buhat noong huli ko siyang makita ngunit hindi pa rin kumupas ang kaniyang ganda.
“My gosh, Aris!” saad niya na naupo na nang tuluyan sa aking tabi. “Sino ba naman ang mag-aakalang dito pa sa bus magkukrus uli ang mga landas natin. Kumusta ka na?”
“Ayos lang naman ako,” tugon ko. “Kumusta ka na?”
Nagkibit-balikat lang si Elaine saka ngumiti sa akin. Sa kabila niyon ay hindi nakaligtas sa aking paningin ang tila lungkot na bumabalot sa kaniyang mga mata. Gusto kong magtanong ngunit pinigilan ko ang aking sarili.
“Saan ka na ngayon?” tanong niya. “Researcher ka pa rin ba sa G network?”
“Hindi na,” tugon ko. “May limang taon na rin siguro.”
“Anong nangyari?” tila nagulat na tanong niya. “Hindi ba pangarap mo `yon?” aniya na agad rin niyang dinugtungan ng, “Naalala ko lang kasi madalas mong banggitin ang tungkol doon noong hayskul tayo.”
Napangiti uli ako. Naaalala pa niya, naisip ko. Ang sarap pala sa pakiramdam kapag alam mong hindi nakalimutan ng taong minsang naging espesyal sa’yo ang tungkol sa iyong pangarap.
“Noong huling asaynment ko, may nakilala akong isang tao,” sabi ko. “Yun taong `yon ang nagturo sa akin na hindi pala talaga `yon ang totoong pangarap ko.”
“Wow,” aniya. “Kung gano’n, ano palang totoong pangarap mo, Aris?”
Natagalan bago ko nagawang sumagot sa tanong niyang iyon. Natuon ang paningin ko sa hilera ng upuang isang dipa lamang ang layo sa amin. Nakita ko ang magkaibigang masayang nagtatawanan at hindi ko napigilang hindi mapangiti.
“Ang sumaya,” tugon ko na sinulyapan nang muli si Elaine. “Pangarap kong maging masaya.”
“Ha?” wika ni Elaine na hindi naiwasang bumungisngis nang kaunti. “Bakit? Hindi ka ba masaya, Aris?”
“Hindi ko alam kung paano maging totoong masaya,” tugon ko. “Hindi ko alam hanggang sa makilala ko si Enteng.”
“Enteng?” aniya. “Siya ba yung sinasabi mo sa’kin na nakilala mo noong huling asayment mo?”
Tumango ako. Nanatiling nakatuon ang aking paningin sa upuan sa aming harap. Gayunman ay nakita ko mula sa gilid ng aking paningin na nakatitig sa akin si Elaine.
“Si Enteng,” seryoso niyang saad. “Anong klaseng tao siya?”
Ngumiti ako kay Elaine. “May oras ka ba?” tanong ko sa kaniya. “Baka kasi mapahaba ang kuwento ko tungkol sa kaniya.”
“Ayos lang,” sabi naman niya, nakangiti rin. “Makikinig ako.”
“Kung gano’n,” tugon ko. “Hayaan mong ibahagi ko sa’yo ang kwento ni Enteng.”
***
Tatlong oras ang biyahe papunta doon; dalawang oras sa bus, apatnapung minuto sa dyip, at dalawampung minuto sa traysikel. Nakakahapo lalo na sa traysikel dahil malubak ang daan. Mabuti na lamang at pinili kong bumiyahe ng walang laman ang tiyan dahil siguradong ilalabas ko lang din iyon sa kalagitnaan ng biyahe.
“Heto ho,” sabi ko sa drayber sabay abot ng bayad; dalawang sampung barya at isang lima. Dali-dali niyang inabot iyon gamit ang makapal niyang palad.
“Tenk you,” malapad ang ngiting tugon niya sa akin bago pinaharurot ang traysikel palayo.
Isinukbit ko ang aking backpack pagkaalis niya. Nagpalinga-linga ako; bukirin pa rin ang bumungad sa aking mga mata. Bukirin na babad sa nakapapasong sikat ng araw. Bigla akong nauhaw. Naglakad-alakad ako at may namataan akong isang tindahan sa `di kalayuan. Nagtungo ako doon at bumili ng softdrinks.
“Manang, saan ho dito yung bahay ni Enteng?” tanong ko nang maubos ang laman ng bote.
“Enteng?” wika nito na bahagya pang isinungaw ang ulo sa maliit na bintana ng tindahan. “Si ‘Enteng Tiwang’?”
Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam kung ang ‘Enteng Tiwang’ na sinasabi niya ay ang ‘Enteng’ din na hinahanap ko. “Sandali ho, ha,” sabi ko sa kaniya saka inilabas ang folder sa aking bag. Laman niyon ang pangunahing impormasyon na nasaliksik ko ukol kay Enteng. “Um, Epifanio ‘Enteng’ Seranno ho ang buong pangalan niya.”
“Ay, oo, si Enteng Tiwang nga.” tugon nito na ngingisi-ngisi. “Sa kabilang kanto yung barong-barong niya. Lakad ka diretso tapos may makikita kang kanto sa kanan. Yung pang-apat na bahay, doon siya nakatira.”
“Salamat ho,” sabi ko. Ipinasok ko na uli sa aking backpack ang aking folder. Naghahanda na sana akong umalis nang muling magsalita ang tindera.
“Kung ano man ang pakay mo sa kaniya, mag-iingat ka,” habol nito na nanatili ang malawak na ngisi sa mukha. “Siraulo ang lalaking iyon.”
Hindi ako uli nakasagot. Hindi ko alam kung anong isasagot ko. Sa huli ay tumango lamang ako sa tindera at umalis na.
Sa aking paglalakad, hindi ko naiwasang mapaisip ukol sa sinabi ng tindera. Totoo nga kayang may kapansanan sa pag-iisip si Enteng? Kung oo, mayro’n nga ba akong dapat na ikatakot?
“Tumahimik ka!” ang sigaw na nakapagpabalik sa akin sa kasalukuyan. Nang mag-angat ako ng tingin ay namataan ko ang isang babaeng may kalong na batang lalaki. Sa palagay ko ay nasa apat o lima na ang gulang nito. “Sige ka, kapag hindi ka tumigil sa kakaiyak, ibibigay kita kay Enteng Tiwang!”
Kaagad na huminto sa pag-iyak ang bata. Napahinto rin ako dahil napagtanto kong nakatayo na pala ako sa mismong tapat ng barong-barong ni Enteng. Napalunok ako; muling namayani ang pangamba sa aking dibdib. Pinagmasdan ko ang barong-barong; gawa iyon sa pawid at pinagtagpi-tagping sako. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang nalusaw na parang yelo ang lahat ng takot sa aking dibdib; napalitan iyon ng pagkaawa para kay Enteng. At bago ko pa tuluyang mamalayan, natagpuan ko na lamang ang aking mga paa sa harap ng barong-barong. Kumatok ako sa gigiray-giray na pinto.
“Tao po,” pagtawag ko.
Ilang sandali lang at unti-unting bumukas iyon. Bumungad sa akin ang isang lalaking nakuba na sa tila labis na katandaan. Iilang pulutong nalang din ng buhok ang makikita sa kulubot nitong anit. Sa kasamaang palad ay panay puti pa ang mga iyon. Sa isang iglap ay biglang bumalik ang lahat ng pangamba sa aking dibdib. Parang ibig ko na lamang umatras. Subalit kaagad ding nabago ang aking isip nang mapagmasdan ko ang maamong mga mata ni Enteng. Para bang sa kabila nang madaming hindi magagandang pangyayaring dumaan sa buhay nito ay nagawa pa rin nitong panatilihin ang saya at kislap sa mga iyon. Huminga ako nang malalim.
“Um, magandang araw ho,” bati ko. “K-kayo ho ba si Ginoong Epifanio Serrano?”
Hindi kaagad sumagot ang matanda. Sa halip ay pinagmasdan niya nang mariin ang aking mukha. Napigil ko bigla ang aking hininga at bigla ring nangatal ang aking mga tuhod. Marahil ay napansin niya iyon kaya naman dali-dali siyang ngumiti sa akin.
“Pasensiya ka na,” sabi niya. “Hindi ko sinasadyang titigan ka; sadyang malabo lamang ang aking mga mata.”
Nakahinga ako nang maluwag nang marinig ang sinabi niya. Kasabay niyon ay tila bigla rin akong nakaramdam ng kahihiyan. Hinusgahan ko kaagad ang kawawang lalaki nang dahil lang sa tinitigan niya ako.
“Halika, pumasok ka muna,” sabi niya sa akin na naging dahilan upang agad ko ring maibaon sa aking dibdib ang aking nadamang kahihiyan. Nilakihan niya ang pagkakabukas ng pinto. “Mukhang malayo ang pinanggalingan mo, ha.”
Hindi na ako tumanggi sa alok niya dahil hapo na rin ako sa biyahe at paglalakad. Pumasok ako sa barong-barong at naupo sa isang mahabang upuang rattan. Hindi iyon bago ngunit higit na maayos pa ang kondisyon niyon kung ikukumpara sa ibang gamit sa loob ng barong-barong; mga gamit na sa aking palagay ay itinapon na at pinulot na lamang uli nito. Masikip sa loob ng barong-barong; ang kahalati niyon ay nakalaan sa tila altar ng mga lumang gamit na nabanggit ko. Sa palagay ko ay doon na rin natutulog si Enteng dahil may nakita akong nakatuping banig at kumot doon. Sa natitira namang kalahati nagsasalo ang kapirasong kusina na may ilang gamit pangluto at isang kalan na de uling at ang maituturing na sala na siyang kinaroroonan ko nang mga sandaling iyon.
“Heto, uminom ka muna,” wika nito na inabutan ako ng isang baso. “Sigurado akong nauhaw ka sa paglalakad mo sa gitna ng araw.”
Hindi ko kaagad nagawang inumin ang laman ng baso. Sa halip ay kunot-noong pinagmasdan ko iyon. Hindi ko maiwasang magduda sa kung anong laman niyon.
“Sabaw `yan ng buko,” sabi ni Enteng na mukhang nabasa ang laman ng aking isip. “Kapipitas ko lang ng buko kanina kaya siguradong malinis `yan.”
Napatango-tango ako at mistulang napahiya uli. Ang akala ko ay lubos ko nang kilala ang aking sarili ngunit hindi ko akalaing labis pala akong mapanghusga. Ininom ko ang laman ng baso at agad na naubos iyon.
“Pasensiya ka na kung wala akong pagkaing maihahain sa’yo, ha,” malungkot na saad ni Enteng. Kinuha niya ang isang gusgusing monoblock chair at naupo sa harap ko. “Ilang araw na rin kasi akong hindi nakakapangalakal.”
“Naku, ayos lang ho `yon,” agad ko namang bawi.
Hindi tumugon si Enteng. Sa halip ay itinuon niya ang paningin sa bungad ng barong-barong. May nakadungaw na isang pusa doon.
“Si Mikmik,” nakangiting saad niya. “Paminsan-minsan ay binibisita niya ako rito.” Tumayo siya pagkasabi niyon. “Sandali lang, ha.”
Tumango ako. Nagtungo si Enteng sa ‘kusina’ ng barong-barong at may kung anong kinuha doon. Pagkabalik niya ay may bitbit na siyang isang mangkok na may lamang kaunting sardinas. Ibinigay niya iyon kay Mikmik. Sabik naman na kinain iyon ng pusa. Napangiti si Enteng at marahang tinapik-tapik sa ulo si Mikmik bago muling bumalik sa harap ko.
“Pagkain ko iyon kagabi pero hindi ko inubos,” sabi niya. “May pakiramdam akong bibisitahin ako ni Mikmik ngayon.”
Natigilan ako. Pinagmasdan ko si Enteng at sa pakiwari ko ay mas lalong umamo ang kaniyang mga mata habang pinapanood na kumain ang pusa. Naisip ko, narito ang isang taong hindi nabiyayaan ng yaman tulad ng iba ngunit may pusong ibahagi ang kung anong mayro’n siya maski na sa isang pusa. Lalo akong nakonsensya; paano ko nagawang pag-isipan ng masama ang taong ito?
“Ah, oo nga pala,” baling niya sa akin nang umalis na nang tuluyan si Mikmik. “Anong maipaglilingkod ko sa’yo?”
“Um,” hindi ko na naman agad nagawang sumagot. Iniisip ko kung anong pinakamaayos na paraan para sabihin sa kaniya ang pakay ko. “Una sa lahat, magpapakilala po muna ako. Ako ho si Aris Solito. Isa ho akong researcher.”
“Ah,” wika ni Enteng na nangislap ang mga mata. “Isa kang mananaliksik.”
Nakangiting tumango ako.
“Anong ginagawa ng isang mananaliksik sa aking barong-barong?” saad ni Enteng. “Napapaisip ako.”
“Um, interbyu lang ho,” tugon ko na may bahid ng kaunting pag-aalinlangan. “Gusto ko ho sana kayong interbyuhin para sa aming programa.”
“Ako?” itinuro niya ang kaniyang sarili. “Kita mo nga naman, o. Kung kailan may isang mananaliksik na nagpunta rito at nagkainteres na kapanayamin ako ay saka pa naman ako hindi naligo.”
Hindi ko naiwasang hindi mapangiti sa huling pahayag na iyon ni Enteng. Binuksan ko ang aking backpack. Kinuha ko doon ang aking kamera at ang iskrip.
“Kung ayos lang ho sa inyo sa ibibidyo ko ho ang aking interbyu sa inyo,” sabi ko. Nang mga sandaling iyon ay komportable na rin ako sa aking pakay. “Ayos lang ho ba?”
“Sige, ayos lang naman.” tugon niya saka inayos nang kaunti ang kwelyo ng suot niyang damit na may bakas ng mantsa ang harapan. “Ayos na ba itong hitsura ko?”
Napangiti uli ako. “Ayos na ho `yan.” sagot ko.
Binuksan ko na ang kamera. Ipinokus ko iyon sa mukha ni Enteng. Nang makita kong malabo ang rehistro ng imahe niya sa kamera ay hiniling ko na sa likod-bahay na lamang namin gawin ang naturang interbyu. Pumayag naman siya.
“Ayan, may mga itatanong ho ako sa inyo, ha.” sabi ko sa kaniya bago ko tuluyang simulan ang interbyu. “Huwag po kayong mahihiyang sumagot.”
Tumango si Enteng. Ipinokus ko na uli sa mukha niya ang kamera. Pinindot ko ang rekord at nagthumbs-up sa kaniya bilang tanda na simula na ng interbyu nang sandaling iyon.
“Ano hong pangalan ninyo?”
“Ah, ako si Epifanio Serrano.” sagot niya. “Pero kung tawagin nila ako rito ay Enteng.”
“Bakit Enteng?”
“Kabisote raw kasi ako.”
Hindi ko kaagad naunawaan kung ano ang ibig sabihin ni Enteng sa kaniyang sagot. Hindi na rin uli ako nagtanong ukol doon. Sa halip ay dumako ako sa susunod na tanong ayon sa aking iskrip.
“Anong trabaho mo, Enteng?”
“Isa akong mangangalakal.”
Napatango-tango ako. Ibinalik kong muli ang aking paningin sa iskrip na nakalapag sa aking kandungan. Nagkaroon ng kaunting puwang nang makita ko ang susunod na katanungan; iyon ang katanungan na nagdala sa akin sa pinto ng barong-barong ni Enteng. Napalunok ako at pasimpleng sumulyap kay Enteng. Nang makita kong nakangiti siya sa akin ay naglaho ang aking mga pangamba; lakas-loob kong isinatinig ang susunod na katanungan.
“Enteng, ilang taon ka na?”
“24.”
Bahagyang yumugyog ang kamera sa aking kamay. Kamuntik na akong bumulanghit ng tawa. Mabuti na lamang at nagawa kong pigilin ang aking sarili.
“24?” ulit ko upang kumpirmahin ang kaniyang sinabi.
“24.” tugon naman uli niya.
Noong unang beses kong marinig sa kaniya ay ibig kong tumawa. Subalit sa pangalawang beses ay hindi ko na alam kung anong mararamdaman ko. Hindi ko napigilan at pansamantala akong napahinto sa patuloy na pagtatanong. Sa halip ay pinagmasdan ko si Enteng mula sa kamerang hawak ko; pinagmasdan ko ang nakakalbo niyang ulo, ang bungi-bungi niyang mga ngipin, ang kaniyang kulubot na balat at kubang likuran. Mukha itong matanda ng limampung-taon o higit pa sa sinasabi nitong aktwal na edad nito. Kaya sino ang maniniwala sa sinasabi nitong dalawamput-apat na taong gulang lamang ito?
“Enteng, naitabi mo pa ba ang iyong birth certificate?” tanong ko nang makabawi. “Maaari ko bang makita?”
“Wala na akong birth certificate,” kalmadong tugon niya. “Kasamang natupok ng apoy ang papeles na iyon nang masunog ang aming bahay.”
“Aming?” saad ko. “Mayro’n kang pamilya kung gano’n?”
Naramdaman kong may kung anong mali akong nasabi dahil biglang lumamlam ang ekpresyon ng mukha ni Enteng. Ang kaninang buhay na buhay niyang mga mata ay tila nalambungan ng isang hindi mapapantayang lungkot. Tumandang lalo ang kaniyang anyo sa aking paningin.
“Enteng?” pukaw ko. “Ayos ka lang ba?”
“Ayos lang,” pinilit niyang ngumiti. “Pasensiya ka na, hindi ko maiwasang hindi maging emosyonal kapag nabababanggit ang aking pamilya.”
“Nasaan ang pamilya mo, Enteng?” tanong ko ngunit nang mapagtanto ko na personal na ang tanong na iyon ay agad kong idinugtong ang mga katagang, “Kung ayos lang na malaman.”
Tumango si Enteng na sa pakiwari ko ay siyang tugon niya sa aking huling tinuran. Hindi niya sinalubong ang aking paningin pagkatapos no’n. Sa halip ay itinuon niya ang paningin sa malayong na dako na para bang may malalim na iniisip.
“Kagaya ng aking birth certificate, kasama rin silang natupok sa apoy; ang aking asawang si Gracia at ang tatlong taong gulang kong anak na si Lisa. Namatay silang pareho. Ako lamang ang nakaligtas.”
Naibaba ko ang hawak kong kamera. Sa ilang sandali ay nakaramdam ako ng pag-aalinlangan kung itutuloy ko pa ang interbyu. Napahinga ako nang malalim; sa huli ay namayani sa akin ang determinasyon na tapusin ang aking asaynment kaya muli kong itinaas ang kamera.
“Kailan nangyari ito, Enteng?” tanong ko. “Kailan naganap ang sunog?”
Katahimikan. Sa halip na sumagot ay nanatiling nakatitig si Enteng sa kawalan. Napalunok ako at sa ilang sandali ay nangapa ako ng susunod kong sasabihin sa kaniya.
“Um, ilang taon ka no’n, Enteng?” pagbabago ko sa aking naunang tanong. “Ilang taon ka nang mangyari ang sunog?”
“25.” sagot niya.
Parang may kung anong kuryenteng dumaloy sa aking mga ugat pagkarinig ng kaniyang sinabi. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Nanatili lang akong nakatitig kay Enteng habang ang kaniyang paningin ay nanatili naman sa kawalan.
“P-pero,” hindi magkandatutong saad ko nang bahagyang makabawi. “Pero di ba ang sabi mo ay 24 ka palang?”
“Tama, `yon nga ang sabi ko.”
Naghintay ako ng higit pang paliwanag mula kay Enteng ngunit hindi na uli siya nagsalita pagkatapos no’n. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Tinitigan ko siya at habang nakatitig ako sa kaniya ay muling bumalik sa akin ang sinabi ng tindera kanina sa tindahan. Siraulo ang lalaking iyon, sabi niya. At parang gusto ko nang maniwala na totoo nga ang kaniyang sinasabi. May kapansanan nga siguro sa pag-iisip si Enteng. Ang ibig sabihin, isa lamang kalokohan ang bali-balitang hindi ito tumatanda na siya ring dahilan kung bakit napili itong itampok ng aming programa. Kung kalokohan pala iyon, balewala lamang din ang pagpunta ko rito. Nag-aksaya lamang ako ng oras, pera, at pagod. Napaisip tuloy akong bigla kung anong sasabihin ko ngayon sa superyor ko pagbalik ko.
“Um, siguro ho tatapusin ko na rito ang interbyu,” pahayag ko sabay patay sa kamera. Isininop ko na uli iyon sa aking backpack kasama ng iskrip. “Maraming salamat nalang ho sa oras.”
“Sandali,” wika ni Enteng.
Hindi ako tumugon. Hindi ko na rin uli pinag-angatan ng tingin si Enteng. Nagpatuloy ako sa pagsisinop ng aking mga gamit. Gayunman, mula sa gilid ng aking mga mata ay nakita kong tumindig si Enteng. Pumasok siya sa may barong-barong. Paglabas niya ay may bitbit na siyang isang larawan na sa tantiya ko ay mahigit sa limampung-taon na sa kaniyang pangangalaga.
“Ito yung huling larawan naming magkakasama,” saad niya habang inilalahad sa akin ang naturang larawan. “Bertdey ni Lisa kaya dinala ko sila ng mama niya sa karnabal.”
Hindi ko napigilan na hindi sulyapan ang gula-gulanit na larawan. Hindi ko na maaninag ang mukha ng asawa at anak ni Enteng mula doon dahil sa sobrang labo. Ang tangi lamang malinaw sa akin ay ang malawak na ngiti ni Enteng na para bang pagmamay-ari niya ang buong mundo. Sinulyapan ko ang aktwal na Enteng sa aking tabi. Nakasilay pa rin sa kaniyang mga labi ang naturang ngiti habang pinagmamasdan ang larawan at binabalikan ang huling alaalang kasama pa ang kaniyang pamilya.
“I-ilang taon…” nagkakandautal kong baling sa kaniya. “I-ilang ka sa larawang ito, Enteng?”
“24.” sagot niya.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa aking mukha. May kung ano akong napagtanto. Natuon ang aking paningin sa mukha ni Enteng.
“Kung minsan kapag sobrang lungkot ng isang tao,” saad niya habang nakatitig pa rin sa larawan ng pamilya. “gagawin niya ang lahat para lamang makabalik sa mga panahon na masaya siya.”
Iyon ang mga huling salitang iniwan sa akin ni Enteng. Iyon din ang huling beses na nakita ko siya. Nang subukan ko siyang bisitahin nang sumunod na buwan ay nadatnan kong bakante na ang kaniyang barong-barong. Ang sabi sa akin ng mga malalapit na kapitbahay ay nahulog daw si Enteng sa punong sampalok nang magtangkang kuhanin ang sumalabit na saranggola ng isang paslit. Hindi na raw siya umabot sa hospital at agad ring binawian ng buhay. Nalungkot ako nang marinig iyon ngunit lalong humanga sa kaniya. Siguro naman ay hindi na siya tatawaging ‘Enteng Tiwang’ ng mga kapitbahay niya, naisip ko.
***
“P-pasensiya na,” lumuluhang sabi sa akin ni Elaine nang matapos ang aking kuwento tungkol kay Enteng. “Ngayon nalang kasi uli ako nakarinig ng ganiyan kalungkot na kuwento.”
Binuksan ni Elaine ang kaniyang bag. Natanto kong hinahanap niya ang kaniyang tisyu. Nang hindi niya matagpuan iyon ay nagkusa na akong ibigay ang aking panyo sa kaniya.
“S-salamat,” aniya na hindi na pinilit ngumiti sa kabila ng mga luha. “Palagi ka talagang handa.”
Ah, naisip ko, siguro naalala niya rin yung araw na nadapa siya sa field habang nagkaklase kami sa PE. Nagkaroon ng gasgas ang kaniyang kanang tuhod. Ibinigay ko sa kaniya yung panyo ko para maibalot niya sa kaniyang sugat.
“Ikaw ha,” sabi ko sa kaniya. “Madami ka ng utang sa aking panyo.”
Tumawa siya. Natawa din ako. Kasunod niyon ay isang nakabibinging katahimikan sa pagitan naming dalawa.
“Um,” mayamaya ay pagbasag niya sa naturang katahimikan. “Ano na palang nangyari sa asaynment mo?” tanong niya sa akin. “Naitampok pa rin ba ng programa ninyo yung kuwento ni Enteng?”
Umiling ako.
“Hindi ko ibinigay sa superyor ko yung bidyo ng interbyu ko kay Enteng,” sabi ko. “Naisip ko kasing hindi na mahalagang malaman ng mundo kung ilang taon na ba talaga siya.” Napalunok ako. “Kahit naman malaman nila, hindi rin nila maiintindihan, e.”
Napabuntong-hininga si Elaine. “Iyon ba ang dahilan kaya nawala ka sa G Network?” tanong niya.
Umiling uli ako.
“Nagresign ako,” pag-amin ko. “Napagtanto ko kasing hindi talaga ako masaya sa trabaho ko.
Mahigit isang taon ko ring hinanap ang sarili ko pagkatapos no’n. Sa loob ng mga panahong iyon, natuklasan kong ang pagsusulat pala ang totoong makakapagpasaya sa akin.”
Sinulyapan ko si Elaine. Nakita kong nakangiti siya sa akin. Puno ng paghanga at iba pang emosyong hindi ko magawang pangalanan ang kaniyang mga mata.
“Proud ako sa’yo,” sabi niya sa akin.
Parang lumundag ang puso ko nang marinig kong sabihin niya iyon. Nakangiting pinagmasdan ko ang magandang mukha ni Elaine. At habang pinagmamasdan ko iyon, nakaramdam ako nang isang masidhing kagustuhang itanong sa kanya ang isang tanong.
“K-kung may punto ka sa iyong buhay na gusto mong balikan,” napapalunok kong sabi sa kaniya. “Anong edad iyon?”
Hindi kaagad nagawang tumugon ni Elaine. Sa halip ay napakagat-labi siya na mistulang nag-iisip. Hindi ko inilayo sa kaniya ang aking paningin sa loob ng mga sandaling iyon.
“16.” mayamaya ay sagot niya.
“16?” ulit ko.
Tumango si Elaine. Naghintay ako ng paliwanag kay Elaine kung bakit gusto niyang balikan ang edad na 16 subalit wala na akong ibang natanggap na sagot sa kaniya. Nanatili siyang nakatingin sa labas ng bintana ng bus na mistulang binabalikan ang isang partikular na alaala noong edad na iyon.
“Sixteen ako nang una kitang magustuhan, alam mo ba?” sabi ko sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit bigla ko nalang inamin ang tungkol sa bagay na `yon pagkalipas ng mahabang panahon. “Gusto ko sanang umamin sa’yo bago ang graduation pero natorpe ako.”
Inasahan kong magugulat si Elaine sa aking rebelasyon. Kung hindi naman, inisip kong tatawanan niya ako. Pero wala sa dalawa ang kaniyang naging reaksyon.
“Alam ko,” sa gulat ko ay tugon niya. “Kaya nga gusto ko iyong balikan, e.”
Nakamaang na napatitig ako kay Elaine. Mula naman sa bintana ay ipinaling niya ang paningin niya sa akin. Nagtagpo ang mga mata namin at ngumiti siya sa akin.
“Ang tagal na, ano?” sabi niya sa akin pagkatapos. “Fifteen years.”
Matagal pa akong nakatitig sa kaniya bago ko uli nagawang ibuka ang aking mga labi. “Fifteen years,” ulit ko pagkalipas ng mahabang katahimikan.
At wari’y nagkaunawaan kami sa pamamagitan lamang ng mga titig, napangiti kami sa isa’t-isa. Sabay naming ipinaling ang aming mga paningin sa salaming bintana ng bus pagkatapos no’n. Pinanood namin ang papalubog na araw at sabay ring napabuntong-hininga. Sixteen man o hindi, naisip ko, alam kong pagbaba ko sa bus na iyon ay hindi na ako mag-iisa kailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento