Madilim ang paligid.
Nakadapa ako sa aking kama at nakapatong ang aking ulo sa isang gusgusing unan. Naglalakbay ang aking diwa sa sari-saring mga bagay na may kinalaman sa pag-aaral at trabaho. Sinubukan kong tumihaya ngunit pinanatili kong nakapikit ang aking mga mata.
Lumiwanag.
Sa diwa ko’y biglang lumiwanag. Bigla na lamang akong napadilat. May pangambang iginala ko ang aking paningin hanggang sa ito’y dumako sa ibabaw ng aking cabinet. Nakapatong doon ang aking digital camera na pinaglumaan na ng panahon. Nakabukas iyon na siyang nagpalaganap ng liwanag sa paligid – biglang binundol ng kaba ang aking dibdib. Kahit na anong isip ko ay hindi ko matukoy kung paanong bumukas iyon nang hindi ko naman ginagamit.
Muli akong pumikit.
Sinubukan kong kalmahin ang aking kalooban at ituon ang aking isip sa mithi kong makatulog. Nagbilang ako ng tupa kaparis ng sabi nila subalit lalo lamang nitong pinatindi ang pagkabog ng aking dibdib. Sa bawat pagbilang ko kasi ay sabay rin ang pagpatay at pagsindi ng liwanag na nagmumula sa digital camera na mistulang tumatagos sa nakataob kong mga talukap.
Huminga ako nang malalim.
Hindi ko rin alam kung ano ang nagtulak sa akin ngunit tumindig ako sa aking kama. Sa nanginginig kong mga tuhod at namamawis kong talampakan ay pinilit kong hindi mabuwal. Pinilit kong hindi mabitiwan ang digital camera habang dahan-dahan ko itong dinadampot mula sa ibabaw ng cabinet.
Isa.
Sinunod-sunod ko ang bilang sa aking isipan hanggang sa umabot ako sa sampu. Sinunod-sunod ko hanggang sa magawa ko na ring maibaling ang aking paningin sa screen ng digital camera. Dahan-dahan hanggang sa mayro’n akong maaninag na malabo – parang imahe ng isang tao.
Shit.
Hindi ko na alam kung ano pang sumunod na salitang lumabas sa bibig ko. Nagpatay-sindi ang ilaw sa kuwarto at umingit ang tahimik kong higaan. Nagkakandarapang-nagtatakbo ako ngunit kandado ang pinto. Nagpalinga-linga ako, napatid, nauntog ngunit wala akong pakiaalam. Gusto kong makatakas… gusto kong makalayo.
Sa bintana!
Sa bintana ako dumaan. Binuksan ko ang salamin at naghalumbitin sa mga bakal. Sinubukan kong maghanap ng tuntungan… sinubukan kong makaligtas ngunit dumulas ang aking kamay. Sa ilang sandali ay mistula akong lumulutang sa alapaap – pababa nang pababa hanggang sa lumapat ang aking likod sa isang matigas na bagay. Sa isang iglap ay bigla na lamang umikot ang aking ulo at nanlabo ang aking paningin.
Basa.
May basang lumalaganap sa aking ulo at sa aking likuran. Mainit ito at malagkit na parang…. Hindi ko na nagawang ituloy ang tumatakbo sa aking isip. Nakarinig ako ng mga sigaw, sunod ay mga sirena. Nagbukas ang nakasarang mga ilaw sa apartment na iyon at nagsungawan ang ulo ng ilang boarders. Hindi nagtagal at ang mga ulong lumulutang ay unti-unting luminaw ang imahe sa akin. Sa pagkurap ko ay nasa harapan ko na sila. Mayro’n silang mga sinasabi… marami… ngunit wala akong maunawaan. Ang tanging alam ko lang ay nahulog ako mula sa panlimang palapag ng apartment. Nahulog ako at…
Kislap.
Mayro’ng kumislap. Parang liwanag ng isang kamera – pamilyar na kamera. Ang kamerang hawak ko kanina, hawak ng isang taong hindi ko kilala. Kinuhanan niya ng larawan ang duguan kong katawan at dilat kong mga mata.
Pamilyar.
Pamilyar dahil iyon ang hitsura ko kanina. Sa kamera iyon ang nakita ko. Ang aking kamatayan ay nakita ko.
Sa camera.
Sa camera.
Sa camera.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento