“Lo, anong palagay mo
sa mungkahi ni mama?” pukaw ni Lea sa kaniyang lolo na nakatayo mula sa `di
kalayuan at inaayos ang mga painting na nakasabit sa pader. “Payag ka ba na
i-renovate natin itong lugar at gawin nalang restaurant?”
Natigil sa ginagawa si
Constancio. Para bang nabarahan ng tinik ang kaniyang lalamunan at hindi kaagad
nagawang magsalita. Pagkuwa’y nilingon niya ang apo.
“Ikaw, apo?” pinilit
niyang ngumiti rito. “Ano ang iyong palagay?”
Rumehistro ang pag-aalinlangan
sa mukha ni Lea ngunit agad rin namang nawala. Lumapit siya sa kaniyang lolo.
Tumikhim.
“Well, hindi naman
masama na subukan, lolo,” sabi niya rito. “Lately kasi, humihina na talaga ang
benta ng shop. Kakaunti nalang ang dumadayo rito para masilip ang mga painting
mo. Kaya napaisip rin ako ukol sa mungkahi ni mama.”
May dumaang emosyon sa
mga mata ni Constancio---kalungkutan. Kabaligtaran ng ngiting nakasilay sa
kaniyang mga labi. Tumango-tango siya.
“Halika, apo,” sabi
niya kay Lea na walang naging direktang komento sa sinabi nito. “Mayro’n akong
ipapakita sa’yo.”
Nagtatakang sumunod
rito si Lea. Inilabas ni Constancio ang isang player at isinalang ang isa sa
mga plaka ng The Beatles. Pumailanlang
ang isang magandang tugtugin sa ere kasabay rin ng tuluyang pagsakop ng isang
alaala sa katauhan ni Constancio.
*
* *
Sa pusod ng lungsod,
kung saan ang mga tao’y tila ba nakikipaghabulan sa takbo ng oras at ikot ng
mundo, ang dalaga lamang ang natatanging nagbigay-pansin sa mga obrang nakasabit
sa gilid ng daan. Lumapit ito, ibinaba ang mga dala, at isa-isang binistahan
ang bawat canvas. Pinadausdos nito ang mga daliri sa bawat guhit, habang sa
labi nito’y, kasabay ring gumuhit ang isang ngiti. Sa tamis ng ngiti nito, pati
ang kariktan ng mga obra maestrang naroo’y, nagawa nitong mahigitan sa kaniyang
paningin.
♪ I’ve just seen a face I can’t forget the time or place where we just
met
She’s
just a girl for me and I want all the world to see
we’ve
met, mmm-mmm-mmm-m’mmm-mmm ♪♪
Sa isang iglap ay bigla
na lamang lumaganap sa kaniyang isipan ang love song na iyon ng The Beatles. Nanunuot ang musika niyon
sa kaniyang mga tainga na tila ba mula sa kanyang tabi ay totoong tumutugtog
ang maalamat na banda. Unti-unti, napansin niyang, tila ba bumabagal ang lahat
ng bagay sa kaniyang paligid. Ang mga taong kanina’y paroon at parito sa
kaniyang harapan ay tila ba sandaling huminto nang sa gayo’y mapagmasdan niya
nang mabuti ang mukha nito.
♪ Had it been another day I might have looked the other way
And
I’d have never been aware but as it is I’ll dream of her
tonight,
di-di-di-di’n’di ♪♪
Patuloy iyong
pumailanlang sa kaniyang isipan. Hindi niya alam kung bakit, pero may isang
bagay siyang sigurado, na ang liriko ng naturang love song ay mga salitang nadarama
niya, ngunit ayaw lumabas sa kaniyang bibig. Oo, siguro nga, kung ibang araw lamang
iyon, hindi siya mauupo sa upuang kahoy na nakaharap kung saan ito nakatayo
ngayon. O, pupuwede rin namang mauupo siya roon, ngunit may haharang na
sasakyan sa kaniyang harapan. O di kaya’y, pagdaan ng dalaga, ay siya namang
pag-alis niya. Subalit nangyari na ang nangyari, nakita na niya ito, at nabihag
ang puso niya.
♪ Falling, yes I am falling
And
she keeps calling
Me
back again ♪♪
Magmula nang araw na
iyon ay palagi na siyang dumarayo sa pusod ng lungsod. Kahit hindi niya gusto
ang ingay. Kahit hindi niya gusto ang mga ilaw. Kahit hindi niya gusto ang mga
tao. Sa kaparehong puwesto, mauupo siya, at aabangan ang pagdaan nito.
Pagmamasdan niya habang isa-isa nitong
binibistahan ang mga bagong obrang nadagdag at hihintayin ang unti-unting pag-angat
ng mga labi nito. At araw-araw, sa tuwing masisilayan niya ang mga ngiting
iyon, tila lalo siyang nahuhulog rito.
♪ I have never known the like of this
I’ve
been alone and I have missed things and kept out of sight
But
other girls were never quite
Like
this, da-da-n’da-da’nda ♪♪
Nagpatuloy lang siya sa
pagmamasid, habang hinihintay na dumating ang araw na masabi niya sa dalagang,
naiiba ito. Na may isang parte sa puso niyang binuhay nito at pinuno ng sigla.
Na sa lahat ng obrang makikita roon, ito ang pinakamaganda. Nagsanay siya at
nag-ipon ng lakas ng loob, subalit kung kailan mayro’n na, saka naman ito
biglang naglaho. Naghintay siya. Umulan at umaraw ay patuloy ang pagbalik niya
sa lugar. Saan ito nagpunta? Hindi na niya uli ito nakita pa…
*
* *
“Ang ibig mong sabihin,
lolo, nag-aral ka ng pagpipinta at binili mo ang puwestong ito sa pag-asang
babalik uli siya rito?”
Ngiti lamang ang
tanging itinugon rito ni Constancio. Gumuhit ang pagkamangha sa mukha ni Lea
ngunit ilang sandali lang ay agad rin iyong napalitan ng pagkakonsensiya.
Napakagat-labi ito.
“Lo, sorry ha?” sabi
nito sa kaniya. “Pero kung talagang nabihag ng babaeng iyon ang puso ninyo,
bakit kayo nagpakasal kay lola?”
Natigilan si
Constancio. Napuno ng samut-saring emosyon ang kaniyang mga mata. Pagkuwa’y
nakakaunawang ngumiti siya sa kaniyang apo.
“Dahil, apo, nabihag
rin ng iyong lola ang aking puso. Minahal ko rin siya, ngunit kahit kailan,
hindi nawala ang nadarama ko para sa babaeng iyon. At alam ng lola mo iyon,
kaya bago siya mamatay, sinabi niya sa akin na huwag akong sumuko sa paghahanap
sa kaniya.”
Nangislap ang mga luha
ni Lea. Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit gayon na lamang ang pagmamahal
ng kaniyang lolo sa shop na iyon. Ngumiti siya rito at yumakap.
“Lo, kung sino man ang
babaeng iyon, napakasuwerte niya,” sabi niya rito. “Ni wala kang ideya sa
pagkatao niya, pero araw-araw, sa loob ng fifty years, hindi siya nawala diyan
sa puso mo.”
Ngiti lamang muli ang
itinugon ni Constancio sa apo. Ang pag-ibig ay talaga nga yatang mahiwaga. Ang
tanging hinihiling na lamang sana niya sa Diyos, sana’y bago maubusan ng
hininga ang kaniyang baga at bago tuluyang huminto sa pagtibok ang kaniyang
puso, masilayan niyang muli ang ngiti ng naturang babae.
*
* *
“Tao po!” wika ng isang
tinig mula sa labas kasabay ng ilang sunod-sunod na katok. “Tao po!”
Naalimpungatan si
Constancio nang marinig iyon. Nang magmulat siya ng paningin ay sinalubong siya
ng liwanag ng buwan na nakasilip sa bukas na bintana---gabi na pala. Nakatulog
pala siya nang hindi niya namamalayan. Inangat niya ang likod mula sa
pagkakalapat sa rocking chair at dali-daling lumabas upang daluhan ang
tumatawag.
“Magandang gabi, gusto
ko sanang masilip ang mga painting mo.” Nakangiting wika ng isang matandang
babae nang makita siya.“Ako nga pala si… Magnolia Antonino.”
Inilahad nito ang isang
palad. Napatulala si Constancio, bago pagkuwa’y, naluluhang napangiti. Inabot
niya ang kamay nito, at sa pagdadampi ng kanilang mga palad, muling lumaganap
sa kaniyang isipan ang unang linya sa paboritong love song.
♪ I’ve just seen a face I can’t forget the time or place where we just
met
She’s
just a girl for me and I want all the world to see
we’ve
met, mmm-mmm-mmm-da-da-da ♪♪
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento