Sa panahon ngayon kung saan kabi-kabila ang panggigipit, pang-aabuso, pananamantala at pagkitil, nakakahiyang maituturing ang maging isang tao. Kung kitilin man ng isang hayop ang kapwa niya hayop ay iyong mauunawaan dahil ito ay isang hayop at sinasabing hindi nakakapag-isip. Pero para gawin ng isang tao ang kaparehong bagay sa kapwa niya tao ay talaga nga namang hindi katanggap-tanggap dahil itinuturing silang nakakapag-isip. At kahit pa sabihing hindi naman ikaw ang nanggipit, nang-abuso, nanamantala at kumitil, bilang kauri mo ang gumawa nito, para ka na ring bahagi ng krimen.
Kung maaari lamang sanang mamili ng kaanyuan at maipanganak uli, siguro’y pipiliin kong maging isang paru-paro o kaya’y tutubi o ibon; mga nilalang na pare-parehong nabiyayaan ng pakpak; pakpak para lumipad palayo sa mga kamay ng tao. Ayoko na uling masalat ng kamay ng tao; mga kamay na may selyo ng pera at may bahid ng dugo; kayrungis na parang repleksyon nito sa nakasusulasok na tubig-kanal.
Subalit kailanma’y hindi mawawakasan ang iyong pagiging tao ng mga pipi at bulag na pangarap na ito. Ikaw at ako ay mananatiling tao sa kabila ng paniniwala nating matagal nang natuldukan ang pagiging tao natin, magsimula pa nang matanto nating wala nang pag-asa ang mundong ito. Patuloy akong maglalakad sa gitna ng gabi habang nakatingala sa mga tala at umaasang makakatisod ng kaunting dahilan upang muli kong yakapin ang aking pagkatao.
Nakakatawa, ang mga nakaw na sulyap na ito sa kalangitan ay maaari rin namang hindi talaga udyok ng kagustuhang kong muling yakapin ang katauhan ko. Kung ako lamang ay magpapakatotoo, sasabihin kong ibig ko talagang makasumpong ng isang sasakyan patungo sa ibang planeta. Gusto ko nalang lumayo sa gutay-gutay na mundong ito at magtungo sa ibang dimensyon. Higit ko pa yatang ibig na maubusan ako ng hininga at masunog sa Araw kaysa patuloy na malanghap ang masangsang na amoy ng binaboy na mundong ito.
Kaawa-awang mundo. Di yata’t sa dinami-rami ng nasaksihan nitong panggagahasa, pagnanakaw, at pagpatay ay daig pa nito ang nilamukos na papel o isang salaming pinagpupukpok ng bakal. Ang mga ilog, dagat, at iba pang anyong-tubig nito na mistulang kaaya-aya sa paningin ng tao ay dumungis na at ngayo’y kasing-itim na rin ng budhi ng tao. Mabuti pa ang tao, may mga kamay upang takpan ang mata kung ayaw niyang masaksihan ang mga pangbababoy na nabanggit; may mga kamay upang takpan ang tenga kung ayaw niyang marinig ang mga sigaw ng mga babaeng ginagahasa, batang inaabuso, inosenteng pinapatay. Ang mundo ay walang kamay upang gawin ito.
Kung kaya nga ba, ako minsa’y nagpapanggap na lamang. Nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan. Nagpapanggap na natutulog kahit sa ilalim ng aking talukap ay bukas ang aking mata at naaninag pa rin ang patuloy na pambababoy ng tao sa mundo. Pati anino ko ay napapatakbo palayo sa akin. Natatakot na rin ito sa kanyang sariling anyo lalo na sa liwanag; sa liwanag kung saan bawat anggulo ng aking pagkatao ay lantad na lantad.
Subalit, kung ako ba mismo’y natatakot? Ako’y hindi natatakot. Ako’y napapagod lamang; napapagod maghintay sa aking katapusan. Ayoko nang maging tao at ayoko na rin sa mundong ito. Gusto ko na lamang umidlip, managinip na sa aking paggising ay isa na akong ganap na paru-paro, lumilipad sa ibabaw ng tumpok ng masangsang na lupang minsa’y naging masagana, ngunit nalason sa dami ng butong minsa’y ibinaon doon; mga buto ng tao na siguro’y… kabilang na rin ang sa akin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento