Linggo, Hunyo 30, 2019

Blue Moon (Short Story)

“James, dito!” sigaw ni Marina habang patakbong umaakyat ng hagdan. Wala namang nagawa si James kung hindi ang mapasunod dito. Nanikip ang kanyang dibdib kaya sandali siyang huminto para habulin ang hininga. Napahinto rin si Marina at nilingon siya. “”Halika na, dali!”


“Oo, sandali lang!” sagot niya bago humugot nang malalim na hininga sa huling pagkakataon. Kahit gusto nang humilata sa kinaroroonan ay napilitan na siyang humakbang na ulit ng hagdan. Sa bilis nito ay nawala na ito sa kanyang paningin bago pa niya mamalayan. Naabutan na lamang niya itong nakatayo na sa harap ng railings pagdating niya sa rooftop. Habol pa rin ang hininga na lumapit at tumabi siya rito. “Bakit mo ko dinala rito?”


“Narinig ko kasi na magkakaroon daw ng blue moon ngayon. Ang sabi ng mga matatanda, kapag daw inabangan mo ang blue moon kasama ang taong mahal mo, hindi na kayo magkakahiwalay magpakailanman.” tinitigan siya nito nang direkta sa kanyang mga mata. “Mahal kita, James. Gusto ko na hindi na tayo magkahiwalay magpakailanman. Kahit na sa blue moon, susugal ako, mangyari lamang ang bagay na `yon.”


Natigilan si James. Hindi niya nagawang magsalita. Nangingilid ang luhang napatitig siya rito. Nang mga sandaling iyon ay wala siyang ibang damdaming matanaw sa mga mata nito kung hindi pagmamahal. Walang katumbas na pagmamahal. Pagmamahal na kayang punan ang bawat bakanteng bahagi ng kanyang puso. Sa isang iglap ay nakadama siya nang hindi mapapantayang kirot sa kanyang dibdib. Parang mabibiyak ang isang bahagi niyon sa anumang sandali.


“M-Mahal din naman kita, Marina, eh. Gusto ko ring magkasama tayo magpakailanman. P-Pero…” malungkot na napatitig siya rito. “Pero alam mo namang hindi pwede hindi ba?”


Sa pagkakataong iyon ay si Marina naman ang nawalan ng kibo. Ipinaling nito ang paningin sa buwan na nagsisimula nang sumilip sa pagitan nang madidilim na ulap. Ibinaling na rin niya ang paningin doon pero kitang-kita niya mula sa gilid ng mata ang tahimik na pagluha ni Marina. Kumuyom ang kanyang mga palad. Nasasaktan siya dahil alam niyang nasasaktan niya ito. Kung may magagawa lamang sana siya para pawiin ang mga luhang iyon. Para pagaanin ang nararamdaman nito.


“Bakit ba kasi magkaiba tayo?” umiiyak na pahayag nito makalipas ang ilang sandaling pananahimik. “Bakit kailangan pa nating maging magkaiba?!”


Hindi na nito napigilan ang sarili. Lumuluhang tumakbo ito pababa ng rooftop. Ang kaninang may lamat niyang puso ay tila natuluyan nang mabiyak habang pinagmamasdan niya itong tumakbo palayo. Hahabulin niya sana ito pero agad rin siyang natigilan. Mayro’n siyang kung anong naalala. Kinuha niya ang kanyang backpack at ibinuhos ang laman niyon. Ang cutter kaagad ang unang nahagip ng kanyang paningin. Pigil ang hiningang pinulot  niya iyon at itinaas. Nangislap ang talim niyon nang masinagan nang maliwanag na buwan.


“Kung hindi magagawa ng buwan, nakakasisiguro ako, magagawa ng patalim na ito.” aniya saka sinimulang laslasin ang kanyang pulso. Ilang sandali lamang at bumulwak ang dugo mula doon. Nagsimulang manghina ang kanyang mga tuhod. Napasandal siya sa may railings at padausdos na unti-unting bumagsak sa sahig. “P-para sa’yo… Marina. P-para s-sa’yo…” nanghihinang naibulalas niya. “P-para sa’yo nakahanda akong tawirin pati ang kabilang buhay magkasama lang tayo… magpakailanman.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento