Linggo, Hunyo 30, 2019

There She Goes (Short Story)

“Ang ganda,” bulong niya habang hawak ang headband na may bulaklaking disenyo. Nagpalinga-linga siya sa loob ng shop. Nang walang makitang tao ay palihim niyang isinukat iyon. Pinagmasdan niya ang sariling repleksyon sa screen ng kaniyang cellpone at napangiti.
“Bagay sa’yo,” wika ng isang babae.
Gulat na natigilan siya. Dali-dali niyang hinubad ang naturang headband. Tinangka niya iyong isabit sa dating kinalalagyan subalit napigilan siya nang muli itong magsalita.
“O, bakit mo isinosoli?”
“Um,” napalunok siya. “A-ano kasi e, um, wala akong pera.”
“Problema ba ‘yon?” nakangising tanong nito. “Kung gugustuhin mo, pupuwede pa rin namang mapasa’yo `yan kahit na wala kang pera eh.”
“H-ha?” nag-aalinlangang naibulalas niya. “A-anong ibig mong sabihin?”
Sa halip na sumagot ay inginuso nito ang kaniyang bag. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa mukha. Bigla siyang nawalan ng kulay nang matanto ang ibig nitong sabihin.
“A-ayoko,” nagkakandautal na protesta niya. “H-hindi ko kayang gawin ang sinasabi mo.”
“Sus, madali lang naman, eh.” saad nito. “Halika, tutulungan kita.”
Bago pa siya muling makatanggi ay nailagay na nito ang naturang headband sa loob ng kaniyang bag. Naglakad siya palabas ng shop kasama ito na parang walang nangyari. Dinaanan pa nila ang guard at nginitian.
“O, `di ba?” wika nito sa kaniya nang makalayo na sila. “Sabi ko naman sa’yo, madali lang, eh.”
“P-pero,” parang maiiyak na apela niya. “P-pero masamang mag-shoplift.”
Hindi ito nagsalita. Sa halip ay kinuha nito ang headband mula sa kaniyang bag. Isinuot nito iyon sa kaniyang ulo at ihinarap siya sa salaming dingding ng isang coffee shop. Natigilan siya habang pinagmamasdan ang sarili suot ang bulaklaking headband.
“Anong pakiramdam mo ngayon, Kristine?” tanong nito sa kaniya. “Gusto mo pa rin bang isoli yung headband?”
Hindi siya nakakibo. Sa halip ay unti-unting umangat ang sulok ng kaniyang mga labi. Ang ganda niya, naisip niya. Ang ganda-ganda niya.
***
Nangingitim ang ilalim ng mata ni Kristine kinabukasan. Hindi siya pinatulog ng kaniyang konsensya matapos mag-shoplift. Sa tuwing susubukan niyang pumikit ay nakikita niyang nakasuot ang headband sa kaniyang pugot na ulo. Daig pa niya ang binabangungot ng gising. Nang dahil doon ay hindi niya nagawang mag-concentrate sa kanilang exam kinabukasan. Naabutan siya ng oras at hindi niya nasagutan ang mahigit sa kalahati niyon. Iyak siya nang iyak. Kapag bumagsak siya ay siguradong papagalitan siya ng kaniyang daddy.
“Kristine?” pukaw ng isang tinig. “Hey, why are you crying?”
Nag-angat ng ulo si Kristine mula sa pagkakayukyok sa may lababo. Para siyang nakakita ng multo nang makita niya ito. Kumuyom ang kaniyang mga palad.
“Ikaw!” dinuro niya ito. “Ikaw ang may kasalanan kung bakit nangyayari sa akin ang lahat ng ito ngayon! Kung hindi mo sana kinuha ang headb—”
“Wait,” putol nito sa kaniyang sinasabi. “Hindi lang ako ang nagnakaw ng headband, remember? Magkasama tayong gumawa no’n. And besides, ano bang iniiyak-iyak mo riyan? Ginusto mo rin namang mapasa’yo iyon, hindi ba?”
Hindi nagawang magsalita ni Kristine. Napagat-labi siya. Napapailing-iling naman na pinagmasdan siya nito.
“Come on, pull yourself together,” sabi nito sa kaniya. “Bakit mo iniiyakan ang isang bagay na nakapagpasaya naman sa’yo?”
“P-pero kasi…” napalunok siya. “K-kasi…”
“Yes?” panghihimok nito. “Tell me what’s bothering you.”
Pinag-angatan niya ito ng paningin. Their eyes met. Nakakaunawang napatango-tango ito na mistulang nabasa sa kaniyang mga mata ang bagay na bumabagabag sa kaniya.
“I see,” saad nito. “You’re worried about your exam, aren’t you, sweetie?”
Nakakagat-labi pa ring tumango siya.
“Bakit mo ba pinoproblema ‘yon?” sabi nito sa kaniya. “Alam ko kung saan nakatago yung susi sa faculty room. Puwede nating pasukin mamayang gabi `yon. Para maituloy mo yung exam mo.”
“H-hindi,” nanginginig na saad niya. “H-hindi na ko papayag uli sa gusto mo,”
“Oh, sweetie,” nakalabing saad nito. “Akala ko nag-aalala kang magalit ang daddy mo?”
“K-kahit na,” buwelta niya rito. “Kahit na pagalitan pa ako ni daddy, hinding-hindi ko na uli gagawin ang gusto mo.”
“But, sweetie, I just want to help you,” anito. “Ayaw mo bang maipasa yung exam?”
Napalunok siya.
***
“But, sweetie, I just want to help you.” Napapikit nang mariin si Kristine nang manumbalik sa kaniyang isipan ang tinig nito. “Ayaw mo bang maipasa yung exam?”
Parang sasabog ang ulo na itinapal niya ang dalawang palad sa kaniyang noo. “There she goes / There she goes again / She calls my name / Pulls my train / No one else could heal my pain / And I just can’t contain this feeling that remains,” ang kaniyang naibulalas habang ipinipilig-pilig ang kaniyang ulo.
Nang mag-angat siya ng ulo ay natagpuan niya ang sarili sa harap ng Faculty room. Sa kaniyang daliri ay nakasabit ang isang susi na hindi niya rin namalayan kung paano napunta sa kaniya. Binuksan niya ang pinto at doon ay nagsimulang isagawa ang pagmamanipula sa kaniyang test paper.
“Very good, Kristine,” nakangising saad nito sa kaniya. “Sabi ko na nga ba at hindi mo ako matitiis eh.”
“Shut up!” umiiyak na sigaw niya rito. “Just shut up!”
May kumislap na liwanag sa bukana ng Faculty room. Pigil ang hiningang napalingon si Kristine. Tumambad sa kaniya ang mukha ng isang bagitong guard.
“Hoy!” sigaw nito sa kaniya. “Ano `yan ha?!”
Napatigagal si Kristine. Nabitiwan niya ang hawak na test paper. Dahan-dahan siyang tumayo at itinaas ang dalawang kamay pagkatapos.
“Tanga!” asik nito sa kaniya. “Anong ginagawa mo?”
Hindi nagawang tumugon ni Kristine. Palapit na nang palapit sa kaniya ang naturang guard. May hawak itong baril at nakatutok sa kaniya.
“Agawin mo yung baril!” dikta nito sa kaniya. “Barilin mo siya!”
Gumapang ang kilabot sa ugat ni Kristine.
“H-hindi,” umiiyak pa rin na saad niya. “H-hindi ko magagawa ang sinasabi mo.”
Dumilim ang ekspresyon ng mukha nito.
“Kung hindi mo gagawin,” nagngangalit na saad nito. “Ako ang gagawa.”
Isang putok ng baril ang umalingawngaw `di kalaunan. Kasunod niyon ay ang mga impit na iyak ni Kristine. Ang kaniyang mga luha ay direktang pumapatak sa nakabukang bibig ng guard na naliligo sa sarili nitong dugo.
“H-hayop ka,” paos na ang kaniyang tinig sa kakaiyak. “Paano mo ito nagawa?”
Ngumisi ito sa kaniya.
“Hindi lang ako, Kristine,” tugon nito. “Tayong dalawa.”
Kasabay niyon ay itinuro nito ang salaming dingding ng Faculty room. Nakita niya ang sariling repleksyon mula doon. Nakaturo iyon—sa kanya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento