Sa dinami-rami ng mga nangyari ay hindi ko na maalala ang eksaktong detalye kung paano ako napadpad sa pamilya Serna. Ang natatandaan ko lamang, nanghihina ako sa labis na gutom ng araw na iyon. Ilang araw na akong hindi nakakadiskarte ng pagkain sa lugar na kasalukuyang kong tinutuluyan kaya naman nagpasya akong umalis. Kung kani-kaninong bahay ang kinatok ko ngunit wala ni isa sa kanila ang nag-alok sa akin ng makakain. Ang pinakamasakit sa lahat, karamihan sa kanila ay itinaboy pa ako na para akong may nakakahawang sakit.
Gusto ko ng sumuko nang mga sandaling iyon; ang pakiramdam ko ay katapusan ko na. Subalit naisip ko, nagawa kong mabuhay ng ilang taon sa lansangan. Hindi ko isusuko ang ilang taon na iyon na nakipaglaban ako kapalit ng aking buhay. Ang diwa na iyon ay nagbigay sa akin ng magkahalong pag-asa at desperasyon. Sa kabila ng nanghihinang kalamnan, nagpalinga-linga ako. Napukaw ang aking atensyon sa isang bahay na saradong-sarado. Sa pag-aakalang walang tao sa naturang bahay, lakas-loob kong inakyat ang gate niyon. Nang magtagumpay akong makapasok sa loob, dahan-dahan akong naglakad at nakiramdam. Sa likod pala ng saradong bahay ay may isa pa uling bahay. May natanaw akong tao sa pangalawang bahay. Kinabahan ako sa maaaring mangyari sa akin. Ibig ko na lamang sanang umatras subalit napigilan ako nang matanaw ko ang isang plato ng tira-tirang ng pagkain na nakalapag sa terrace ng bahay. Alam kong sa basura na ang hantungan niyon. Naisip kong hintayin na lamang hanggang sa itapon na iyon ng may-ari. Subalit hindi ko na kaya. Pakiramdam ko, mawawalan na ako ng ulirat kapag hindi pa nadampian ng kahit na anong pagkain ang aking tiyan. Napalunok ako, at sa ikalawang pagkakataon, lakas-loob kong tinakbo ang plato ng tira-tirang pagkain. Wala na akong pakialam kahit makita pa ako ng may-ari ng bahay. Sinimulan ko iyong kainin na para bang isang tigre na hayok sa karne.
Nakarinig ako ng nahulog na gamit pang-kusina. Alam kong sa mga sandaling iyon ay nakita na ako ng may-ari ng bahay. Kumakabog ang aking dibdib subalit hindi ko siya tiningnan. Nagpatuloy ako sa pagsimot sa natitirang laman ng plato. Mayamaya pa, mga papalapit na yabag naman ang sunod kong narinig. Hindi ko na nagawa pang patuloy na magtapang-tapangan. Dahan-dahan akong nag-angat ng ulo. Nakahanda na ako sa hampas o tadyak na maaari kong matamo mula sa may-ari ng bahay. Subalit kabaligtaran ng aking inaakala, sa halip na hampas o tadyak ang ipagkaloob sa akin, naglapag siya ng tubig sa aking tabi. Maang na napatitig ako sa kaniya at gayundin naman siya sa akin. Matagal na nagtititigan lamang kami hanggang sa unti-unting sumilay sa kaniyang mga labi ang isang ngiti. Nakahinga ako nang maluwag; alam kong sa mga sandaling iyon ay nasa mabuti akong kamay.
Hindi ko na namalayan na nakatulog pala ako pagkatapos kong malamnan ang aking tiyan. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili sa loob ng lumang bahay ng mga Serna. Nang subukan kong sumilip sa bintana ay natuklasan kong gabi na pala. Ginusto kong umalis at bumalik sa dati kong tinutuluyan pagkatapos no’n subalit napigilan uli ako. Sa aking kanan ay may nakita akong plastik. Nang bulatlatin ko ay may lamang pagkain iyon. Hindi ko na napigilan ang aking sarili at tuluyan na akong naiyak. Para ipaubaya sa akin ang tira-tira nilang pagkain ay sapat na para mapatunayan kong mabubuting tao ang naninirahan doon. Pero para ipagtabi at hatiran pa uli ako ng pagkain? Hindi ko maunawaan ang pakiramdam na lumukob sa akin. Kagaya ng nabanggit ko, buong buhay ko ay ako lamang mag-isa. Ganito pala ang pakiramdam ng may nagmamalasakit sa’yo.
Hindi ako pinaalis ng pamilya Serna. Hinayaan nila akong manatili sa kanilang lumang bahay magmula ng araw na iyon. Hindi nila ako tinatawag na sumabay sa kanilang kumain pero hinahatiran nila ako ng pagkain doon. Araw-araw ay iba-ibang miyembro ang nagpupunta sa lumang bahay at naghahatid sa akin ng pagkain. Naging dahilan iyon upang isa-isa kong makilala ang miyembro ng pamilya Serna: Si Tatay Serna, may pagkamainitin ang ulo pero masipag magtrabaho; si Nanay Serna, may kaunting kasungitan ngunit masinop sa bahay. Si Ate Serna, tahimik at tila may sariling mundo pero maalaga. Parati niya akong kinakausap ngunit hindi ko naman maunawaan ang kaniyang mga sinasabi; ang pang-huli ay si Kuya Serna. Hindi siya anak ni Tatay at Nanay Serna katulad ni Ate Serna. Siya ang unang apo ng mga ito mula sa panganay na anak na nasa ibang bansa. May pagkabarumbado si Kuya Serna ngunit matulungin ayon sa aking obserbasyon. May iba pang mga anak ang mag-asawang Serna. Kung minsan ay dumadalaw sila sa bahay ngunit hindi nila ako pinapansin. Ang apat na nabanggit ko ang siyang nag-aalaga at nagpapakain sa akin.
Naging magaan ang pamumuhay ko sa tahanan ng pamilya Serna. Hindi ko na kinailangang magpalaboy-laboy at maghanap ng makakain sa basurahan. Bilang ganti sa kabutihang loob na ipinagkaloob nila sa akin, ginawa ko rin ang lahat ng aking makakaya upang makatulong sa kanila kahit man lamang sa paglilinis. Kapag may mga peste na nagpapasakit ng ulo ni Tatay at Nanay Serna, ako ang siyang pumupuksa sa kanila. Nakikita ko naman na naliligayahan sila sa aking trabaho kaya naliligayahan na rin ako.
Matagal na magaan at tahimik ang aking buhay. Hindi ko akalaing basta na lamang `yong magugulo sa hindi inaasahang pagtibok ng aking puso. Hindi ko na lamang siya papangalanan pagkat habang isinasalaysay ko ito ngayon ay nananatiling masakit pa rin sa akin ang lahat. Ang tanging maibabahagi ko lamang sa inyo ngayon ay kung paano ko siya nakilala at kung paano, gaya nang una kong nang nabanggit, ginulo niya ang tahimik kong pamumuhay sa tahanan ng pamilya Serna.
Kagaya ng halos lahat ng kasaysayang pag-ibig, dumating siya sa oras na hindi ko inaasahan. Basta na lamang siya sumulpot, at nang magtama ang aming paningin, alam kong hindi niya ako patatahimikin. Noong una ay hindi ko siya pinapansin subalit naging masugid ang kaniyang pagsuyo sa akin. Kung araw ay nakikita ko siyang sumisilip-silip sa akin at nagpapalipad-hangin. Kung gabi naman ay panay rin ang pagtawag niya sa akin mula sa kapit-bahay. Dumating sa puntong hindi ko na napigilan at tuluyan nang lumambot ang aking puso. Iyon ang unang beses na may nagbigay atensyon sa isang tulad kong palaboy at masarap pala sa pakiramdam. Higit pa sa naramdaman ko nang sa unang pagkakataon ay may magmalasakit sa akin.
Matikas siya at malakas. Sa aming pagliligawan, dumating sa puntong naging mapusok siya. Ninais kong tumanggi ngunit naging mapilit siya. Naibigay ko nang hindi sinasadya ang aking sarili sa kaniya. Hindi ko akalaing ang minsang pagkakamaling iyon ay magbubunga pala.
Sinubukan ko siyang hanapin nang matuklasan kong may laman ang aking sinapupunan. Subalit sa kasamaang palad, kung paano siyang parang kabute na sumulpot na lamang noong nililigawan niya ako, parang kabute rin siyang nawala nang ako’y nabuntis. Iyak ako nang iyak noon. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Si Nanay Serna ang unang nakapansin ng paglobo ng aking tiyan. Sinabi niya iyon ay kay Tatay Serna at gayundin sa iba pang miyembro ng pamilya. Aaminin ko, natakot ako noon. Natakot ako hindi lamang para sa aking sarili kung hindi pati na rin para sa aking dinadala. Naisip ko, paano kung paalisin nila ako ngayong alam na nila ang tungkol sa aking pagbubuntis? Subalit kabaligtaran uli ng aking naunang sapantaha, hindi nila ako pinaalis. Sa aking pasasalamat ay hinayaan nila akong manatili sa lumang bahay at ituloy ang aking pagbubuntis.
Kambal ang naging bunga ng minsang pagpapaubaya ko sa aking sarili. Kahit nahirapan ako sa pag-aalaga sa kanila ay hindi ako sumuko. Hindi rin sumuko ang pamilya Serna sa pagtulong sa akin. Hinatiran nila ako ng pagkain hanggang sa ako’y patuloy na lumakas.
Makalipas ang ilang taon, nakabangon na akong muli. Lumaki na ang aking kambal at kasama ko na silang naninirahan sa lumang bahay ng mga Serna. Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin ako makapaniwala na hindi pa rin nila kami pinapaalis. Hiyang-hiya na ako at bugbog na bugbog na sa utang na loob sa kanila kaya naman sinipagan ko nalang ang pagmementina ng kalinisan sa loob ng bahay sa pamamagitan ng pagpuksa sa mga peste. Kasama ang kambal, mas naging madali ang aking trabaho.
Hindi ko akalain na sa muli kong pagbangong ito ay muling susulpot ang multo ng aking nakaraan. Oo, tama kayo. Siya nga ang aking tinutukoy. Makalipas ang ilang taon ay muli siya sa aking nagpakita. Muli niya akong sinubukang suyuin. Alam kong ang inaasahan ninyong mabasa sa pagsasalaysay kong ito ay ang pagtanggi at pagtataboy ko sa kaniya. Iyon din ang siyang inaasahan kong gagawin ko ngunit muli, sa ikalawang pagkakataon, muli niyang nabilog ang aking ulo. Ang akala ko’y totoong nagbago na siya kaya tinanggap ko muli siya. Mali, isang malaking-malaking pagkakamali.
Pagkatapos makuha ang ibig sa akin, muli siyang nawala. Muli ring naulit ang nangyari noon. Natagpuan ko ang aking sarili na may laman ang sinapupunan. Nang matuklasan iyon ng pamilya Serna ay wala silang sinabi. Ngunit alam ko, nabasa ko sa ekspresyon ng kanilang mga mukha na hindi kagaya noong una akong mabuntis, hindi nila gaanong tanggap ang isang ito. Hindi ko rin tanggap. Hindi ko rin matanggap na sa ikalawang pagkakataon ay muli akong nagpagago sa kaniya. Iyon yata ang dahilan kung bakit pagkapanganak ko, nawala ako sa sarili. Nalulong ako sa depresyon at napabayaan ko ang ikalawang pares ko sana ng kambal. Bago ko tuluyang mamalayan, ilang linggo lamang, tuluyan silang binawian ng buhay.
Pagkatapos noon ay may pait na akong nakikita sa mata ng bawat miyembro ng pamilya Serna sa tuwing dadako ang paningin nila sa akin. Hindi na nila kami hinahatiran ng pagkain sa lumang bahay. Sa halip ay hinihintay na nilang manghingi ako gayundin ang aking kambal. Gusto kong magtanim ng sama ng loob ngunit hindi ko magawa. Hindi ko rin naman sila masisisi. Alam kong masama ang loob nila sa akin sa nangyari.
Lumipas pa uli ang ilang taon, ang buong akala ko ay unti-unti na uli akong nakakabangon. Ang buong akala ko rin ay unti-unti na uling bumabalik ang tiwala ng pamilya Serna sa akin. Hinahatiran na uli nila kami ng pagkain ng aking mga anak. Subalit may nangyari uling hindi inaasahan. Isang pangyayaring susugat sa akin nang pinakamalalim sa lahat. Isang pangyayaring magiging dahilan ng tuluyan kong pagbagsak.
Hindi ko agad nagawang mapansin ang kakaibang ikinikilos ng aking kambal. Hindi ko agad nakita ang unti-unting paglobo ng kanilang mga tiyan. Basta’t nagulat na lamang ako isang araw ng ipagtapat nila sa akin ang isang karumal-dumal na krimen na nangyari minsang wala ako sa bahay. Ayon sa kanila, dumating “siya” doon. Hinahanap niya raw ako. Nang hindi nila magawang ituro kung nasaan ako ay sila ang pinagdiskitahan ng mga ito. Pareho raw sila nitong inabuso. Isang pang-aabuso na hindi rin nila akalaing magbubunga.
Halos mabaliw ako sa galit matapos malaman ang nangyari. Dali-dali ko siyang hinanap. Nang matagpuan ko siya ay agad ko siyang sinugod. Ang sabi ko sa kaniya ay papatayin ko siya. Buo ang loob kong totohanin ang naturang banta ngunit hindi pala sapat ang galit para maisakatuparan iyon. Sa loob ng nakalipas na mga taon ay nanatili siyang malakas. Tanging mga kalmot lamang ang nagawa kong iganti sa kaniyang mga balya. Sa dami ng tinamo kong sugat ay hindi ko namalayan na nawalan pala ako ng malay. Nang magising ako ay naiyak na lamang ako. Alam kong bukod sa mga sugat na tinamo ko mula sa kaniya ay muli niya ring pinagsamantalahan ang pagkababae ko.
Halos sabay-sabay kaming nagbuntis ng kambal ko. At kahit hindi ko banggitin, alam kong nakarating na rin sa pamilya Serna ang nangyari. Nakikita ko ang poot sa kanilang mga mata sa tuwing titingnan nila kaming mag-iina. Pinabayaan na nila kami, at kahit manghingi pa kami ng pagkain, hindi na nila kami pinakikinggan.
Nang dahil sa mga nangyari ay muli akong nalulong sa depresyon. Hindi ko nagawang magabayan ang aking kambal sa kanilang panganganak. Nang ako naman ang manganak ay gayundin ang nangyari sa akin. Napabayaan ko ang sarili kong mga anak at ang aking mga apo. Kaparis nang nangyari sa ikalawang beses kong pagbubuntis, sabay-sabay silang binawian ng buhay…
Ngayon, habang isinasalaysay ko ang kasaysayang ito ng aking buhay ay matatagpuan n’yo akong muling nagpapalaboy-laboy. Tuluyan na kaming nagkahiwa-hiwalay ng aking kambal matapos silang ilayo sa akin ni Tatay Serna. Sa paghahanap ko sa kanila ay naligaw na rin ako; naligaw ako at hindi na muling nakabalik pa…
Pagkatapos ng nangyari ay bumalik ako sa pagkalkal ng basura upang mabuhay. Subalit hindi katulad ng dati ay hindi na ako nag-iisa ngayon. May nakilala akong kapwa ko mga palaboy at walang pamilya. Karamihan sa kanila ay paulit-ulit ring naging biktima ng pang-aabuso. Sa tulong nila, nakahanap ako ng bagong lungga sa mga sulok ng palengke kung saan kami rumoronda at nang-uumit ng aming pagkain.
Sa dami ng hindi magagandang nangyari sa akin ay marami siguro sa inyo ang magtataka kung bakit hindi ko pa ginustong mamatay. Sa maniwala kayo o hindi, ilang beses kong pinlano ang bagay na iyon. Ilang beses subalit hindi ko nagawang magtagumpay. Naisip ko tuloy, siguro may misyon pa ako sa mundong ibabaw. Pero maaari rin namang isa lamang itong patotoo sa kasabihang siyam ang aming buhay.
Hindi ko alam kung ilan na sa siyam na buhay na iyon ang aking nagamit subalit isa lamang ang masasabi ko; habang ako’y nabubuhay ay patuloy ninyo akong makikilala at tatawaging bilang si “ning-ning-ning” at patuloy ko kayong tutugunin ng “meow-meow-meow” na may pag-asa sa aking pusong darating din ang araw na tayo’y tuluyang magkakaunawaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento