Linggo, Hunyo 30, 2019

Paru-paro, paru-parusa (Short Story)

Kasalukuyang lumalaganap ang usok sa ere nang hawiin ko ito gamit ang aking kaliwang kamay. Ikinulong ko ito sa aking mga palad subalit malaya rin itong nakatakas sa pagitan ng aking mga daliri. Ah, kaparis ng sari-saring mga diwang pilit kumakawala sa aking isipan ng gabing iyon.
Ihinagis ko ang yosi sa di kalayuan at nagpatuloy sa paglalakad. Kaydilim ng paligid at ang tanging nagbibigay liwanag lamang dito ay ang buwan na sa kanyang kalahating anyo ay tila ba nakangiti sa akin. Napangiti ako pabalik sa kanya pagkat pakiramdam ko ay nakikiisa siya sa aking kasiyahang nadarama; nakikiisa siya sa aking selebrasyon.

Hindi ko alam kung ano nga ba ang tunay nangyari. Nang magmulat ako ng paningin kaninang umaga ay iba na ang aking anyo. Datapwat taglay ko pa rin ang katawan ng isang tao, ang aking ulo ay isa nang ganap na paru-paro. Tama ang narinig ninyo, ang aking ulo ay napalitan ng balangkas ng isang paru-paro habang ang dalawang tenga ko naman ang siyang nagsilbing mga pakpak nito. Nakadapo ang paru-paro sa aking leeg na dati’y isang hapis na mukha ang katambal.





Matagal ko nang itinakwil ang pagiging tao at matagal ko na ring ninais na maging isa na lamang paru-paro. Nang mapagod ako sa paghiling ng kapayapaan sa tuwing sasapit ang aking kaarawan ay naisipan kong ang pagiging paru-paro na lamang ang hilingin. Natanto ko kasing kung mayro’n mang isang imposibleng mangyari sa mundo, iyon ay ang kapayapaan. Imposibleng magkaroon ng kapayapaan sa mundo kagaya ng imposibleng magkaroon ng patas na karapatan para sa lahat. 

Palaging may maaapi, maabuso, at magigipit. Nagsasawa na akong makaramdam ng awa sa kanila at kuwestyunin ang Diyos ukol sa kanilang sinapit na kapalaran. Minsang nabanggit sa akin ng aking ina noong bata pa ako na wala raw may kasalanan sa mga kalunos-lunos na bagay na ito pero nang lumaki ako ay unti-unti ko nang naunawaan ang lahat. Hindi totoong walang may kasalanan sa lahat ng mga kababuyan sa mundo. Walang ibang dapat sisihin kung hindi ang mga tao. Ang mga tao ang sumasalaula sa mundo at nanggigipit sa kapwa nila tao. Nang matuklasan ko iyon ay nakaramdam ako ng magkahalong poot at kahihiyan. Ayoko nang maging tao kailanman, ang sabi ko. Ayoko nang patuloy na mabuhay sa ilalim ng anyo ng magnanakaw, manggagamit, at mamamatay-tao. Magsimula noon ay ninais ko na lamang maging isang paru-paro.

Natupad ang aking hiling pagkalipas ng siyam na taon. Tatlong libo, dalawang-daan, pitumpo at siyam na araw ang hinintay ko para lamang mawala ang bakas ng pagkakriminal sa aking imahe. Kaya ako ngayon ay naglalakad-lakad, sinusubukang ipagmalaki sa mga lapastangang tao ang aking bagong anyo. Kung mayro’n mang sisita at susubukang suriin ang aking kariktan, ako ay lilipad palayo pagka’t kailanman ay ayoko nang masalat ng kamay ng tao. Ayokong mabahiran kailanman ng marungis at makasalanan nilang kamay ang aking kulay bahagharing pakpak.

Subalit sumindi ang mga ilaw ngunit wala ni isa ang nakapansin sa akin. Napangiti ako sapagkat naisip kong siguro’y sinasadya nilang magpanggap na hindi ako nakikita pagkat natatakot sila sa akin. Ah,isang magandang ideya; magsimula ngayon ay magtatanim ako ng malalim na pangamba sa puso ng mga tao ng sa gayon ay hindi na sila kailanman gagawa ng kasamaan. Hindi na sila…

Napahinto ako nang mapadaan ako sa isang establisyimento. Tumagos ang aandap-andap na ilaw mula sa isang malapit na poste sa salaming dingding niyon. Isang anino ang nabuo at nakasalubong ko ito. Kumabog nang malakas ang aking dibdib. Ano `yon? ang hindi ko naiwasang itanong sa aking sarili. Ang bulto ba na iyon ay aking aking anino? Ako’y biglang naguluhan.

Imposibleng maging anino ko ang bultong iyon pagkat ang wangis niya ay wangis pa rin ng isang tao. Imposible… isa na akong paru-paro hindi ba? Paano nangyaring ang anino kong taglay ay katulad ng sa isang tao pa rin?

Inulit-ulit ko ang pagdaan sa harap ng establisyimento at paulit-ulit ring tumagos ang anino sa aking katawan. Ang mga tuhod ko’y biglang nanghina; napaupo ako sa aspalto habang nakaharap sa salaming dingding niyon. Sa ilalim ng aandap-andap na liwanag, maluha-luhang pinagmasdan ko ang aking madilim na repleksyon doon. Ang buong akala ko noong una ay gawa lamang ng luha ang unti-unting paglabo ng imahe ng paru-paro ngunit nagkamali ako. Ilang sandali pa ay isa na uli akong ganap na taong may mga mata upang manghusga at bibig upang manlinlang ng pag-iisip. Matagal kong pinagmamasdan ang aking sarili, hinintay na muling mabago ang anyo ngunit muli akong nabigo. Napadukdok ako sa pagitan ng aking mga tuhod at doo’y umiyak nang umiyak hanggang sa pakiramdam ko’y naninikip na ang aking dibdib. 

Ako ay bumangon, pinunasan ang luha sa aking mukha at nanlilisik ang mga mata na pinagmasdan ang nakakakilabot na anyo. Siyam na taon ang hinintay ko upang maging paru-paro ngunit siyam na minuto lamang ang tinagal nito. Hindi ko na gustong kailanman maging tao. Ayoko na sa anyong ito. Ayoko na sa mundong ito…

Blaaaaaaaaaggg

Sa pagdampot ko ng bato sa aking tabi ay kasunod na umalingawngaw ang nakabibinging ingay na dulot ng nababasag na salamin. Para silang mga ngipin na nagngangalit, nagpupuyos. Dahan-dahan akong lumapit at pumulot ng isang bahagi ng nabasag na piraso. Sinilip ko ang repleksyon ko doon bago ko dahan-dahang ginuhitan ang aking pulsuhan. Sa isang iglap ay natanaw ko uli ang buwan at mga tala… sa isang iglap ako’y naging ganap uling paru-paro at tuluyan nang lumipad.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento