Nakaupo
kami sa buhanginan. Pinagmamasdan ang papalubog na araw. Ang ganda-ganda ng
ngiti niya. Yung tipo ng ngiting kapag nasilayan mo, makakalimutan mo maski ang
kaliit-liitang problema mo, at magkakaroon ka ng lakas para ipagpatuloy ang
buhay. Nagsisi tuloy ako na hindi ko nadala ang aking kamera para makuhanan ang
ngiti na iyon. Natauhan ako nang tumingin siya sa akin. Direkta sa aking mga
mata. No'n lamang niya inalis ang paningin sa karagatan at sa araw.
"Mak, let's play a game," masiglang sabi niya sa akin. Ipinasok niya ang kamay sa loob ng kanyang bulsa at may dinukot na pisi. Inabot niya sa akin ang dulo ng pisi. "`Yan hawakan mo `yan. Hahawakan ko naman itong sa kabilang dulo. Tapos takbo tayo. Tingnan natin kung hanggang saan tayo aabot."
Parang may kung anong matalim na bagay ang tumarak sa aking dibdib. Hindi ako tumugon. Nakatitig lamang ako sa kanya.
"Hala `to! Kahit kailan ang KJ," nakangiti siya ngunit halata ang paggaralgal sa kanyang tinig. "Oh, basta. Game na ha? Tatakbo na ko."
Tumakbo na nga siya hawak ang kabilang dulo ng pisi. Ilang sandali akong parang tuod na hindi gumagalaw sa aking kinatatayuan. Nakatingin lang ako kay Vanessa. Sa kanyang imaheng sa bawat segundo ay unti-unting lumalabo sa aking paningin. `Di kalaunan, mabigat man sa aking loob, napilitan na rin akong tumakbo. Nagsimula sa maliliit na hakbang, palaki nang palaki, hanggang sa maramdaman kong bumitiw na ang may hawak sa kabilang dulo ng pisi. Napaupo nalang muli ako sa buhanginan at nagsimulang umiyak.
"Oh, Vanessa," ang nasambit ko nalang habang nakatulala sa karagatan na noo'y tuluyan nang natakpan ang kislap ng maiitim na ulap. "You chose to say goodbye in the most simple but very painful way." Tumingin ako sa pising hawak ko. "Sana kasinghaba na lang ng pising ito ang buhay mo, mahal ko."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento